ATTENTION MAYOR EMI CALIXTO-RUBIANO

HINDI ko gusto ang natanggap nating impormasyon.

Sa halip palang ipa-raid ng Pasay City Police ang inirereklamong Club Matrix ay pinasyalan lamang ito kamakailan.

Pinagsabihan lang na patayin ang ilaw ng kanilang LED screen saka tanggalin ang pangalan at mukha nina Philippine National Police (PNP) chief Gen. Benjamin Acorda, Jr., at Pasay City Mayor Emi Calixto -Rubiano.

Nakalagay kasi sa isang malaking LED screen sa kahabaan ng Macapagal Boulevard ng nasabing lungsod ang mukha at pangalan ng dalawang optician.

Katabing-katabi ng naturang LED screen ang signage naman ng Club Matrix.

“Congratulations to the newly appointed Chief of the Philippine National Police, PGen. Benjamin Acorda, Jr.,” pagbati ng Club Matrix sa PNP chief.

Ganito halos din ang nakalagay na mensahe para naman kay Mayora Emi kung saan ang nakasulat ay: “Congratulations Mayor Emi Calixto&Rubiano, vice-president for NCR League of Cities of the Philippines.”

Nasabi ko na, sa unang tingin, walang masama sa mensahe na nakalagay para sa mga magigiting na opisyales ng pamahalaan.

Pero kung lalaliman natin ang pagtingin, ang mensahe ay deklarasyon sa lahat ng ‘law enforcement agencies’ na walang puwedeng humuli sa Club Matrix dahil ‘bagyo’ at ‘super close’ sila kina Acorda at Calixto-Rubiano.

Ang Club Matrix para sa kaalaman ng lahat ay pinaghihinalaang front ng high-end prostitution.

Sumbong iyan na ipinarating sa inyong lingkod. AT KUNG GUSTONG MAGBIGAY NG PANIG NG CLUB MATRIX AY NAKAHANDA PO TAYONG ILAGAY ANG KANILANG SIDE, ALANG-ALANG SA PRINSIPYO NG MALAYANG PAMAMAHAYAG.

Ilang magulang ang lumapit sa inyong lingkod na ipa-double check kung totoo bang nag-eempleyo ang Club Matrix ng menor de edad na kababaihan para lamang isabak sa ‘white slavery.’

May report din na umuugong sa intelligence community na ginagawang front ang Club Matrix para naman ilako ang mga Russian girls, Vietnamese at China girls na puwedeng I-take out sa halagang P30,000 hanggang P50,000.

Bukod dito, matindi ang Marites sa Pasay na dito madalas naglulungga ang mga suspected Chinese drug lords at mga police and NBI officials na nagbibigay proteksiyon sa kanila.

Mahalagang kumilos din tungkol dito ang Bureau of Immigration (BI) dahil palaging ipinamamalaki umano ng may-ari ng Club Matrix na pasok sila sa isang BI official at isang mataas na opisyal naman sa House of Representatives.

Karamihan sa mga parokyano ng Club Matrix ay mga Chinese nationals na walang sapat na dokumento, ayon pa sa impormante.

Para rin sa kaalaman ni Mayora Emi Calixto-Rubiano, mahalagang ipag-utos nito sa mga tauhan na ipa-double ang health at working permit ng mga kababaihang nagtatrabaho rito.

Sinasabing maging ang ‘building’ at ‘sanitary permit’ ng Club Matrix ay bagsak sa reglamento ng ‘building code’.

Walang sapat na fire exit at maganda ring ma-check kung tama o hindi ba nila dinadaya ang kanilang metro sa kuryente.

Mahalagang makita rin ng DENR, LLDA at Pasay City Hall ang ‘water treatment facilities’ ng establisimiyentong ito dahil, base sa report, madalas ay nagbabara at lumulutang sa ilog papuntang Manila bay ang mga basura na galing sa Club Matrix.

Kasama sa basurang ito ang mga kaha ng sigarilyo ng Chinese, bote ng mamahaling alak at mga gamit na condom!

Okay na sana, pumunta ang tropa ni Pasay City police chief Col. Froilan Uy sa Club Matrix. Ang akala sa buong Southern Police District (SPD) ay ‘raid’ ang gagawin, pero iyon pala ay pinagsabihan lang sila na patayin ang ilaw ng LED screen.

Walang ginawang pagsisiyasat at pagsusuri ang tropa ni Col. Uy.

Hindi nila ininspeksiyon ang working permit ng mga babaeng nagtatrabaho rito at hindi pa tiningnan ang ibang reklamo laban sa Club Matrix.

Nagkalagayan kaya?

Sana huwag naman dahil sigurado akong magagalit si Mayora Emi rito.

Tama ba ako, Adrian?


Para sa anumang reaksyon, suhestiyon at sumbong, tumawag o mag-text sa cell phone no. 09157412674.

Leave a comment