Babaeng Chinese national arestado sa kasong human trafficking

Ni NERIO AGUAS

Naharang ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang babaeng Chinese national na wanted sa bansa nito dahil sa pagkakasangkot sa human trafficking.

Kinilala ni BI intelligence chief Fortunato Manahan Jr. ang naarestong dayuhan na si Zheng Yuyu, 39-anyos, nang tangkain nitong umalis ng bansa sa NAIA Terminal 2 noong nakalipas na Hunyo 10, 2023.

Sinabi ni Manahan na inaresto ng mga miyembro ng border control and intelligence unit (BCIU) si Zheng bago ito makasakay sa flight ng Philippine Airlines papuntang Kuala Lumpur, Malaysia.

Ayon kay BI-BCIU overall deputy chief Joseph Cueto, si Zheng kasama ang isa pang Chinese na si Chen Dongxin ay inilagay sa BI’s wanted list simula pa noong Abril 9 ngayong taon dahil sa pagiging undesirable aliens.

Sinabi ni Cueto na ang mga kaso laban kina Zheng at Chen ay isinampa matapos ipaalam ng Chinese embassy sa Manila sa BI na ang dalawa ay pinaghahanap sa kanilang bansa dahil sa large-scale human trafficking.

Inakusahan ang mga ito ng umano’y pag-oorganisa ng mga tao upang iligal at palihim na tumawid sa mga hangganan ng teritoryo ng China.

Idinagdag pa ni Cueto na si Chen, na nananatiling nakalaya, ay isang undocumented alien dahil ang kanyang Chinese passport ay nag-expire na.

Agad na dinala sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City si Zheng habang inihahanda ang pagpapatapon dito pabalik ng China.

Leave a comment