
Ni NOEL ABUEL
Nanawagan si Senador Christopher “Bong” Go ng sama-samang pagsisikap na pahusayin ang mga serbisyo mula sa mga organisasyon sa pagpapanatili ng kalusugan sa pamamagitan ng pag-amiyenda sa Insurance Code.
Ayon kay Go, chairman ng Senate Committee on Health, at nagsusulong ng pag-amiyenda sa Insurance Code, na may partikular na pagtuon sa pagpapahusay ng pagbabantay sa Health Maintenance Organizations (HMOs).
Ang kanyang panukalang Senate Bill No. 425 ay naglalayong amiyendahan ang Presidential Decree No. 612, na kilala rin bilang “The Insurance Code”.
Sa nasabing panukala, layon nito na pangalagaan ang interes ng policyholders, isulong ang transparency, at tiyakin ang mahusay na paggana ng insurance sector.
Binigyan-diin ni Go ang mahalagang papel ng mga HMO sa pagbibigay ng abot-kayang saklaw ng pangangalagang pangkalusugan sa mga Pilipino.
Binanggit ng senador na ang Insurance Commission (IC) ay gumagamit ng hurisdiksyon sa mga health maintenance organization (HMOs) sa bisa ng Executive Order No. 192. Gayunpaman, ang EO 192 ay hindi tahasang nagsasaad na ang Insurance Code ay nalalapat sa mga HMOs.
Ang iminungkahing susog ay naglalayong ayusin at isulong ang isang patas at competitive insurance industry.
Ang iminungkahing panukala ay tahasan ding isinasama ang mga HMOs sa regulasyong saklaw ng batas na magbibigay-daan sa Insurance Commission na magbigay ng mas mahigpit na pangangasiwa sa kanila, na tinitiyak na sumusunod ito sa matataas na pamantayan ng paghahatid ng serbisyo at katatagan ng pananalapi.
“Nang dahil sa pandemya, mas nakikita natin ang importansya po ng health insurance. Pero sa totoo lang po, hindi naman po lahat ay masasagot ng PhilHealth. Nakakalungkot po pero karamihan ay umaabot ng malalaking halaga ang hospital bill at hindi naman po lahat ito ay makakayang masagot ng PhilHealth,” sabi ni Go.
“Itong finile ko po, kahit nasa ilalim ng Insurance Commission ang HMO, ‘di pa rin po malinaw kung nag-apply sa HMO ang mga provision ng Insurance Code. Kaya mas maganda rin na maiklaro sa batas,” dagdag pa nito.
Ipinaliwanag din ng senador na layon ng panukalang batas na protektahan ang mga karapatan at kapakanan ng mga policyholder.
Sa pamamagitan ng pagtataguyod para sa mas mahigpit na pangangasiwa ng mga HMO, ang mga iminungkahing pagbabago ay tutugon sa mga isyu tulad ng maling representasyon ng saklaw, pagtanggi sa mga paghahabol, at biglaang pagwawakas ng mga kontrata.
“Stricter oversight would ensure that HMOs fulfill their obligations to policyholders and provide the healthcare services they are entitled to, without undue delays or complications,” ani Go.
Sa oras na maging batas, ang mga HMOs ay sasailalim sa mga probisyon ng Insurance Code na hindi tahasang isinasaad sa EO 192.
Kasama sa mga probisyong ito ang kapangyarihan ng Insurance Commission na mag-isyu ng cease-and-desist ni order upang maiwasan ang pandaraya o pinsala sa publiko.
Layunin din nitong pahusayin ang kumpetisyon sa insurance industry at epektibong pagbutihin ang mga serbisyo ng insurance para sa mga Pilipino.
