
Ni NOEL ABUEL
Umapela si Senador Francis ‘TOL’ N. Tolentino sa Department of Health (DOH) na pag-aralan ang posibilidad na payagan ang mga dayuhang doktor na makapagsanay sa bansa sa limitadong panahon.
Sa kanyang lingguhang programa sa radyo, ipinaliwanag ni Tolentino na ang local medical industry ay tiyak na makikinabang sa pagpayag sa mga dayuhang doktor na magsanay sa bansa para sa maikling panahon, hindi lamang pagdating sa pagpapalitan ng mga ideya, kundi pati na rin sa aspeto ng pagpapalitan ng teknolohiya.
“Mayroon naman pong mga doktor na rehistrado sa ibang bansa na gusto mag practice for a brief period dito sa ating bansa na espesiyalista talaga doon… sandali lang sila rito, hindi naman para makipag-compete. Magkakaroon ito ng transfer of technology,” saad ni Tolentino.
Ayon pa sa senador, maraming mga doktor mula sa ibang bansa ang nagpapahiwatig na magsagawa ng medikal na pagsasanay sa bansa, ngunit ang kasalukuyang patakaran ang pumipigil sa kanila na gawin ito.
“Bukod nga doon sa maraming mga espesyalista, lalo ‘yung mga kababayan nating nasa abroad nagpa-practice, sa Amerika, na gustong tumulong dito—hindi lang medical mission, ‘yung pang matagalan na ‘yung siguro talagang may affinity sila dito sa ating bansa,” giit pa nito.
Inihalimbawa ni Tolentino ang kanyang karanasan pagkatapos ng pananalasa ng super typhoon Yolanda noong Nobyembre 2013, kung saan isang grupo ng mga manggagamot na Pranses at Espanyol mula sa Doctors Without Borders ang lumapit sa kanya sa ground zero sa Tacloban City, na nagsabi na kahit na gusto nilang gamutin ang kritikal na mga pasyente, pinahintulutan lang silang magsagawa ng first aid procedure dahil wala silang lisensiya para magsanay sa Pilipinas.
Sa panig naman ni Health Secretary Teodoro Herbosa, binanggit nito ang kanyang karanasan noong nagtrabaho ito sa Malaysia bilang visiting professor sa isang medical university kung saan ang Philippine medical license at ang kanyang akreditasyon sa Philippine Medical Association ay sapat na para makapag-practice ng medisina.
“Ang sinubmit ko lang ay ‘yung lisensya ko sa Pilipinas, ‘yung membership ko sa (Philippine Medical Association), ‘yung curriculum vitae ko, tapos ni-review nila. Tapos kaunting interview, tapos binigyan ako ng temporary license in the hospital doon sa Universiti Kebangsaan Malaysia (National University of Malaysia),” sabi ni Herbosa.
Sinabi pa ni Herbosa na kakausapin nito ang Professional Regulations Commission (PRC) sa posibilidad na luwagan sa panuntunan na payagan ang mga dayuhang magsanay ng kanilang propesyon sa Pilipinas.
