DPWH inihanda na ang Quick Response Assets sa pag-aalboroto ng Mayon Volcano

Ni NERIO AGUAS

Nakahanda na ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa gagawing mga hakbang at response action plan sakaling tumaas ang alert level status ng Bulkang Mayon sa lalawigan ng Albay.

Sinabi ni DPWH Secretary Manuel M. Bonoan, na binanggit ang ulat mula sa DPWH Bureau of Maintenance na sa patuloy na pag-aalboroto ng Bulkang Mayon sa Albay, ang DPWH Disaster and Incident Management Teams ng Regional at District Engineering Offices ay nakaalerto na, habang ang Quick Response Assets na binubuo ng 340 indibidwal at may 30 kagamitan ay inilagay para sa anumang kaganapan.

Ang DPWH Quick Response Teams ay dapat na naka-monitor sa sitwasyon ng mga kalsada at tulay at siguruhin na madadaanan ang mga kalsada upang hindi mabalam ang paghahatid ng mga produkto at serbisyo gayundin ang mga response operations.

Bilang bahagi ng paghahanda, tinukoy rin ng DPWH Regional Office 5 ang mga alternatibong ruta kung lumala ang sitwasyon o kung sakaling kailanganing isara ang kalsada para sa kaligtasan ng lahat.

Tinukoy ang Legazpi-Sto. Domingo-Tabaco Road na madadaanan ng mga motorista na maaaring daanan ang Ligao-Tabaco Road bilang alternative road.

Sa sitwasyon naman ng Camalig Section ng Daang Maharlika na maaaring isara, ang Camalig-Comun-Gapo-Peñafrancia Road ay maaaring maging alternate route.

Inatasan din ni Bonoan ang DPWH Regional Office 5 at ang mga DEOs nito na mahigpit na makipag-ugnayan sa mga local government units (LGUs) at tumulong kung kinakailangan.

Leave a comment