Karapatan at kapakanan ng mga bata pinatitiyak ng kongresista

Rep. Margarita Nograles

Ni NOEL ABUEL

Inihain sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na naglalayong lumikha ng isang espesyal na ahensya na nakatuon sa pagtataguyod at pangangalaga sa mga karapatan at kapakanan ng mga bata.

Sa House Bill 8163  o ang Philippine Commission on Children Act of 2024, na inihain ni House Assistant Majority Leader at Puwersa ng Bayaning Atleta ( PBA) party list Rep. Margarita Nograles, layon nito na magtayo ng  Philippine Commission on Children (PCCh).

Sinabi ni Nograles na ang PCCh ay magsisilbing focal agency na responsable para sa koordinasyon at pagpapatupad ng mga batas na may kinalaman sa child welfare. 

 Ito ay itatalaga bilang awtoridad sa mga alalahanin, karapatan, at adbokasiya ng mga bata, kasunod ng pinagsama-sama at holistic approach.

Kabilang sa mga layunin ng komisyon ang pagbabalangkas ng mga patakaran, pagtatakda ng mga prayoridad para sa mga programa sa promosyon at pagpapaunlad ng bata, pagsasagawa ng pananaliksik, at pagpapatupad ng mga pambansang patakaran at pilot projects.

Susubaybayan, at susuriin ng PCCh ang lahat ng mga patakaran at programa tungkol sa karapatan ng mga bata at magsusulong din  para sa mga makabagong programa at serbisyo at mapadali ang pagpapakilos ng mapagkukunan upang suportahan ang misyon nito.

Sa ilalim ng panukalang batas,  naka-attach ang PCCh sa Office of the President, na tinitiyak ang direktang pakikilahok nito sa pinakamataas na antas ng paggawa ng desisyon ng gobyerno.

Ang komisyon ay bubuo ng Board of Commissioners, kabilang ang chairperson at apat na komisyoner na responsable para sa Child Protection, Child Health and Nutrition, Child Development, at Child Participation.

Ang mga komisyoner ay hihirangin ng Pangulo, na titiyak sa kanilang kahusayan, pagkadalubhasa  at dedikasyon sa kapakanan ng mga bata.

Leave a comment