Palpak na internet service, bawas bayad

Ni NOEL ABUEL

Iginiit ng mga mambabatas na dapat na magbigay ng refund ang mga telecommunications companies sa mga customer nito na nakakaranas ng pasulput-sulpot o tuluy-tuloy na pagkagambala sa serbisyo ng 24 oras o higit pa sa isang buwan.

Sa House Bill 8480 na inihain nina Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte, Benguet Rep. Eric Yap, ACT-CIS party list Reps. Jocelyn Tulfo at Edvic Yap, at Quezon City 2nd District Rep. Ralph Tulfo, nais ng mga itong tiyaking magbabayad lang ang mga subscribers para sa serbisyong nakukuha nila at igiit na ang mga telecom firms ay magbigay ng mabilis, maaasahan at walang patid na koneksyon sa internet.

“While the telecommunications industry has continued to flourish in the country, internet connection and reliability of service remains a persistent problem, along with exorbitant costs paid by consumers for internet service,” sabi ni Duterte.

Anila, ang Pilipinas ay kabilang sa may pinakamahal na fixed broadband services sa Asia, na nagresulta sa low ranking noong 2022 Digital Quality of Life Index (DQLI) na isinagawa ng cybersecurity firm Surfshark.

Ang Pilipinas ay nasa ika-98 noong 2022 DQLI, sa usapin ng internet affordability, na bumaba ng 26 notches mula sa kahalintulad na low ranking na ika-72 noong 2021.

Sa HB 8480, inaatasan ang mga public telecommunications entity (PTEs), kabilang ang mga internet service providers (ISP), na magsagawa ng isang mekanismo na awtomatikong magbibigay ng refund credits o pagbabawas sa singil sa pro-rated na batayan sa tuwing magkakaroon ng pagkawala ng serbisyo o pagkaantala para sa isang pinagsama-samang panahon ng 24-oras o higit pa sa loob ng isang billing cycle.

“ISPs and public telecommunications entities concerned shall not require the customer to take any action in order to receive a refund credit or bill adjustment,” ayon sa panukala.

Gayundin, ang panukala, na naglalayong makinabang ang mga postpaid at prepaid subscribers, ay naglalayong amiyendahan ang Republic Act 7925 o ang Public Telecommunications Policy Act na pinagtibay 28-taon na ang nakakaraan.

Sakaling maging batas, ang sinumang telecom firms at ISPs na mapapatunayan ng National Telecommunications Commission (NTC) na lalabag dito ay pagmumultahin ng P200,000 at P2 milyon.

Samantala, sa mga lalabag na mayroong gross annual income na P10 milyon pababa, ang multa ay katumbas ng 1 porsiyento hanggang 2 porsiyento ng kanilang gross annual income.

Leave a comment