Parangal at pagkilala  kay Sen. Rodolfo Biazon inihain sa Senado

NI NOEL ABUEL

Inihain sa Senado ang isang resolusyon na nagbibigay ng parangal at pakikisimpatiya kay dating Senador Rodolfo “Pong” Biazon na sumakabilang-buhay noong Hunyo 12 sa edad na 88-anyos.

Sa Senate Resolution No. 652 na inihain ni Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri, kinilala nito ang veteran legislator na Biazon na nagsilbing senador sa loob ng tatlong termino mula 1992 hanggang 1995, 1998 hanggang 2004 at 2004 hanggang 2010.

Gayundin, naging kongresista rin ito at kinatawan ng Muntinlupa mula 2010 hanggang 2013 at 2013 hanggang 2016.

Nagsilbi rin itong chief-of-staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Sa kanyang resolusyon, isinalarawan ni Zubiri si Biazon bilang bayani na nagsulong ng murang pabahay at security at defense.

Pinuri rin ni Zubiri ang dating senador na nagsulong ng mahahalagang panukalang batas, kabilang ang Anti-Trafficking in Persons Act of 2003, ang Rental Reform Act of 2002, ang Comprehensive and Integrated Shelter Finance Act of 1994, ang AFP Modernization Act, nag-amiyenda sa Presidential Decree No. 1752 na maging miyembro ng PAG-IBIG Fund mandatory; at Home Guaranty Corporation Act of 2000.

Noong panahon ng pagiging senador, pinamunuan ni Biazon ang Senate Committee on National Defense at ang Senate Committee on Security and Urban Planning, Housing, and Resettlement.

“I had the good fortune of working closely with Senator Pong Biazon on measures such as the Magna Carta for Homeowners and Homeowners Associations, and I saw firsthand how meticulous and hardworking he was, as a legislator,” pag-alala pa ni Zubiri.

“I imagine that comes from his military background. He was extremely disciplined and intentional in everything he did, and he set a standard for us younger lawmakers to aspire to,” dagdag nito.

Nakasaad pa sa resolusyon na hindi lamang kumikilala bilang decorated military-man-turned-legislator mula sa Senado.

Sa tradisyon, isang  necrological service ang isasagawa sa Senado sa darating na araw ng Lunes, Hunyo 19, 2023.

Leave a comment