Portugal tutulong sa Pilipinas sa paglabag sa ASF

Ibinigay ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang token of appreciation kay Maria Joào Falcào Poppe Lopes Cardoso, Ambassador Extraordinary and Plenipotentiary of the Portuguese Republic to Indonesia with concurrent jurisdiction over the Philippines.

Ni NOEL ABUEL

Ikinagalak ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang alok ng Portugal na tulungan ang Pilipinas na puksain ang African Swine Flu na nagdudulot ng suliranin sa industriya ng baboy sa bansa gayundin ang kahandaan ng bansang Europeo na buksan ang mga pinto nito sa mga manggagawang Pilipino.

Ang alok ay ipinadala kay Romualdez ni Portuguese non-resident Ambassador to Philippines, si Maria Joào Falcào Poppe Lopes Cardoso, nang mag-courtesy call sa Manila Golf and Country Club.

Nangako si Romualdez na ieendorso nito ang usapin sa mga kinauukulang ahensya ng Executive Department para sa naaangkop na aksyon para isulong ang alok na tulong ng Portugal pati na rin ang iba pang mga inisyatiba upang palawakin ang bilateral trade at kooperasyon sa mga larangan ng teknolohiya at depensa.

“These propositions are of great mutual interest to both countries,” sabi ni Romualdez.

Ayon kay Ambassador Cardoso, na siya ring Portuguese Ambassador sa Indonesia at Brunei, ang isang kumpanya sa kanyang bansa ay handang magbigay ng donasyon ng kadalubhasaan at maglakbay sa Pilipinas upang suportahan ang pagpuksa sa swine flu.

Binanggit din nito na ang Portugal ay may malawak na kadalubhasaan sa bagay na ito, bilang isa sa dalawang bansa sa Europa na matagumpay na natanggal ang ASF.

Nauna nang lumabas sa mga ulat na noong Hunyo 1, mayroong 15 probinsya sa Pilipinas ay may aktibong kaso ng ASF bagama’t mas kumonti ito sa nakalipas na ilang linggo.

Sinabi naman ni Ramon C. Garcia, Jr., honorary consul ng Portugal sa Maynila, ang isang organisasyon ng mga prodyuser ng baboy sa Portugal ay handang magpadala ng dalawang eksperto sa Pilipinas para sanayin ang mga tauhan ng Bureau of Animal Industry sa pagpuksa sa ASF.

Sinabi rin ni Ambassador Cardoso na ang mga manggagawang Pilipino, partikular na ang kanilang pasilidad sa wikang Ingles, ay tinatanggap din sa umuusbong na industriya ng turismo sa Portugal.

Maliban dito, sinabi nito na maraming Portuges firms partikular ang mga sangkot sa teknolohiya, ang interesadong magnegosyo sa Pilipinas.

“Our President is the foremost advocate of utilizing technology and he is sincerely welcoming foreign investors. Besides, it makes a lot of sense for your companies to locate here, being among the fastest growing economies in the world,” ani Romualdez.

Ayon pa sa Portuguese ambassador, isa sa kanilang hi-tech firms na nag-specialize sa biometrics at e-gates at kasalukuyang nagsilbi sa mahigit sa 100 paliparan sa buong mundo ay pumasok sa joint venture sa Filipino company upang magsagawa ng pilot testing ng kanilang serbisyo.

Idinagdag ni Garcia na ang hi-tech na Portuguese firm ay handang magtatag ng kanilang regional headquarters dito sa Pilipinas at magtayo ng pabrika, upang maserbisyuhan ang mga teknikal na pangangailangan ng lahat ng mga paliparan at lumilikha ng mga trabaho para sa mga manggagawang Pilipino.

Sinabi rin ni Ambassador Cardoso na isa pang Portuguese firm ang nakipagsosyo sa isang Filipino firm at nag-aalok ng secure communication technology sa Philippine defense establishment.

Leave a comment