Solon sa DOH: Maglagay ng focal person para sa senior citizens

Ni NOEL ABUEL

Umapela si Senador Francis Tolentino kay Department of Health (DOH) Secretary Teodoro Herbosa na magtalaga ng focal person sa loob ng ahensya na tututok sa kapakanan at pangangailangan ng mga senior citizens sa bansa.

“Mayroon ba po talagang in-charge para sa senior citizens? Ito ‘yung tao na focal person natin para sa ating mga senior citizens?” tanong ni Tolentino kay Herbosa

Pebrero ng kasalukuyang taon nang ihain ni Tolentino ang Senate Bill No. 1799 o ang “Comprehensive Senior Citizen Welfare Act.”

Sa ilalim ng nasabing panukala, ang DOH sa pakikipag-ugnayan sa mga local government units (LGUs), non-governmental organizations (NGOs) at people’s organization (POs) para sa mga senior citizens ay dapat magtatag ng isang pambansang programa sa kalusugan at dapat magbigay ng pinagsamang serbisyong pangkalusugan para sa mga nakatatanda.

Ipinaliwanag ni Tolentino na dapat mayroong italagang opisyal na mamamahala sa loob ng hierarchy ng DOH na tututukan lamang ang kalusugan at kapakanan ng mga Pilipinong nasa edad 60 taong gulang pataas upang matiyak ang kanilang kagalingan, kung isasaalang-alang ang iba’t ibang morbidity/comorbidity na maaaring mangyari sa buhay ng mga ito.

Sa bahagi naman ni Herbosa, inamin nito na sa kasalukuyan ay walang namamahala pagdating sa pag-aasikaso sa mga senior citizens base sa organizational chart ng DOH, ngunit sinang-ayunan ng dating National Task Force adviser ang mungkahi ni Tolentino na dapat magkaroon ng focal person sa DOH.

“Hiningi ko ‘yung organizational functional chart nila ngayon. Wala e. Alam ko kasi mayroon iyan. In fact, ako iyon eh (dati), ako ‘yung in-charge undersecretary for seniors and mga persons with disability kaya ako ‘yung pinupuntahan ng mga organizations at tinututukan iyan. Hindi ko ngayon mahanap iyan eh,” saad ni Herbosa.

Ayon kay Herbosa, isa sa kanyang mga priority reform na ipatutupad ay ang mungkahi ni Tolentino na isaalang-alang ang mga senior citizens na may mataas na morbidity.

“Ilalagay ko na iyan at priority ko po iyan kasi ako po ay isang senior citizen at kailangan nila ng tulong… sila ‘yung mas maraming iniinom na gamot, sila ‘yung mas kailangan madalas bantayan, sila ‘yung nagkaka-stroke, nagkaka-heart attack, at iyon ‘yung mga top diseases, causes of death natin e. So, I think it’s very important,” ayon pa sa kalihim.

Leave a comment