
Ni JOY MADELAINE
Ipinagdiwang ng pamahalaang lungsod ng Caloocan sa pamumuno ni City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan, ang Pride Month ngayong taon sa pamamagitan ng paglulunsad ng serye ng mga programa para sa LGBTQIA+ Community na may temang “Kulayan ang Kankaloo: Resisting Inequality, Promoting Diversity” ngayong araw sa Caloocan City People’s Park.
Kasama sa mga aktibidad ng programa ang Pride March, libreng screening ng STI, talakayan sa HIV, Talk with Pride, at Pride Symposium. Isang Pride Market sa Caloocan City Hall C-Cube Complex ay gaganapin din sa Hunyo 19 hanggang Hunyo 23.
Malugod na tinanggap ni Mayor Along ang LGBTQIA+ community na dumalo sa mga kaganapan at binigyan-diin ang layunin ng programa na naghahatid ng inisyatiba ng lokal na pamahalaan upang ipakita ang pagtanggap at suporta sa nasabing komunidad.
“Bilang pakikiisa sa pagdiriwang the Pride Month, iniimbitahan po natin ang LGBTQIA+ community na dumalo sa ating programa. Layunin po ng aktibidad na ito na maipadama sa LGBTQIA+ community na kakampi nila ang ating pamahalaang lungsod sa pagsusulong ng isang pantay at nagkakaisang lipunan,” pahayag pa ni Malapitan.
Nagpahayag din ng pasasalamat ang lokal na punong ehekutibo sa pagtutulungan ng City Health Department (CHD) at City Gender and Development Resource and Coordinating Office (CGADRCO) para sa pag-uugnay ng mga okasyon.
Kinilala rin nito ang kahalagahan ng mga kaganapang ito sa pagpapakita ng pagsisikap ng lokal na pamahalaan na alisin ang karahasan at diskriminasyon na nakabatay sa kasarian sa lungsod.
“Maraming salamat po sa ating CHD at CGADRCO para sa mga programa natin ngayong Pride Month! Tanda po ito ng ating layunin para sa Lungsod ng Caloocan bilang isang safe space para sa LGBTQIA+ community,” ani Mayor Along.
“Wala pong puwang ang kahit ano mang karahasan at diskriminasyon sa ating lungsod. Ano pa man ang ating kasarian, lahat po tayo ay pare-parehong Batang Kankaloo,” dagdag pa nito.
