Educational scholarship sa anak ng magsasaka at mangingisda isinulong sa Kamara

Ni NOEL ABUEL

Isinusulong ng isang kongresista ang pagkakaloob ng educational scholarship sa mga anak at dependent ng mga magsasaka at mangingisda sa bansa.

Sa House Bill no. 8423 o ang Educational Benefits for Farmers and Fisherfolks Fund, na inihain ni Pinuno party list Rep.Howard Guintu, layon nito na magbigay ng scholarship grant mula grade school hanggang kolehiyo para sa mga bata at dependent ng mga magsasaka at mangingisda na nakatala sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA).

Ang iminungkahing scholarship grant ay sumasaklaw sa lahat ng gastusin para sa edukasyon, maging sa pampubliko o pribadong paaralan, kabilang ang matrikula, miscellaneous, at iba pang mga bayarin; board at lodging; transportation expenses; allowances para sa mga libro, damit, pagkain, at iba pang katulad na gastos.

“Education is a right which should be made available to people from all social classes. It empowers vulnerable groups by being a tool in alleviating poverty, eliminating discrimination, and lifting generations of inequality,” ayon pa sa kongresista.

Ang nasabing panukala ay magkakaroon ng P50 milyong pondo, na gagamitin para sa kapakinabangan ng mga bata at dependent ng mga magsasaka at mangingisda.

Ang Unified Student Financial Assistance for Tertiary Education (UniFAST) Governing Board, sa pakikipag-ugnayan sa Department of Agriculture (DA) at tatlong kinatawan mula sa magsasaka at mangingisda ang magiging responsable sa nasabing pondo.

“Hindi na po kailangan malimitahan kung saan gustong mag-aral ng mga anak at dependents ng ating mga magsasaka at mangingisda dahil bukod sa magbibigyan sila ng scholarship, maaari itong gamitin hindi lang sa public schools kundi pati sa mga pribadong paaralan din,” ani Guintu.

“Kaya kung may gusto silang kurso na sa private schools lang makukuha, ay pwedeng-pwede po silang mag-aral dito, sa pamamagitan ng ating panukalang scholarship grant,” dagdag pa nito.

Leave a comment