
Ni NOEL ABUEL
Umapela ang isang kongresista sa Senado na ipasa ang Early Voting Bill sa oras na buksan ng Kongreso ang ikalawang regular session nito sa susunod na buwan.
Ang panawagan ay ginawa ni Cagayan de Oro City 2nd District Rep. Rufus Rodriguez bilang reaksyon sa plano ng Commission on Elections (Comelec) na mag-pilot test ng maagang pagboto para sa mga mahihinang sektor para sa halalan sa barangay at Sangguniang Kabataan sa Oktubre 30, 2023.
“I suggest that our beloved senators make the approval of our House Bill No. 7576 allowing early voting for senior citizens, persons with disability, pregnant women, and other vulnerable sector members their top priority shortly after we reconvene on July,” pahayag nito.
Sinabi nito na ang Kamara sa pamumuno ni Speaker Martin Romualdez ay sumusuporta sa iminungkahing batas na magbibigay ng kaginhawahan sa pagboto.
“It is important that Congress approves the bill soon so it could be sent to the President for signing into law ahead of the October grassroots elections,” aniya pa.
Idinagdag pa ni Rodriguez na kung ang panukala ay maisasabatas sa unang bahagi ng Agosto, ito ay magbibigay sa Comelec ng humigit-kumulang tatlong buwan upang maghanda at magsagawa ng information campaign sa maagang pagboto.
Ipinunto ni Rodriguez na habang pinupuri nito ang Comelec sa pagpaplanong mag-pilot-test ng advance voting, mas makabubuti kung gagawin ito ng poll body na may mandato mula sa Kongreso upang iwasan ang anumang legal na isyu.
Hindi pa inanunsyo ng Comelec kung kailan ito magsasagawa ng pilot-test.
Ang Bill No. 7576, kung saan si Rodriguez ang pangunahing may-akda, ay inaprubahan ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa noong Mayo 5 sa botong 259 na walang tumutol at walang abstention kung saan agad na dinala ito sa Senado sa mismong araw na ipinasa ito.
