Labor protection ng mga OFWs aprubado ng employers sa Switzerland—Sen. Tulfo

NI NOEL ABUEL

Aprubado ng mga employers ang labor protection information ng mga Filipino migrants workers sa Draft Conclusions of the Committee on Labour Protection sa Geneva, Switzerland.

Ito ang sinabi ni Senador Raffy Tulfo sa pagharap nito sa International Labor Organization (ILO) kung saan iminungkahi nito na isama ang karapatan ng mga overseas Filipino workers (OFWs) na magkaroon ng access sa labor protection information.

Ayon sa senador, mahalaga ito para makamtan ang sapat, pangkalahatan, at epektibong labor protection para sa lahat ng manggagawa, na siyang itinataguyod na adbokasiya ng ILO sa 111th Conference na sinuportahan naman ng bansang Japan.

Dinepensahan ni Tulfo sa harap ng mga kinatawan ng iba’t ibang bansa ang kanyang isinusulong na amendment kung saan inihalimbawa nito ang mga kamag-anak ng mga Pinoy seafarers na humihingi ng tulong hinggil sa mga nawawala nilang kamag-anak na naglahong parang bula sa barko ay pinagkakaitan ng impormasyon ng mga kinauukulan.

Una nang tinutulan ng senador ang panukalang amiyenda ng grupo ng mga employers na limitahan ang trabaho ng mga manggagawa at sa halip ay gusto nilang i-regulate na lamang ito.

Sa kanyang pagtutol, ginamit ni Tulfo bilang ehemplo ang ilan sa mga overworked na security guards sa Pilipinas na kadalasan ay pinagdu-duty ng hanggang 20 oras na diretso sa isang buwan nang walang overtime.

Aniya, nang dahil dito, hindi na nagiging normal ang buhay ng sekyu dahil labis na naaapektuhan ang pamumuhay at wala na itong oras para sa kanyang pamilya at sa kanyang sarili.

Bukod pa rito, sinabi ni Tulfo na nagkakaroon din ng health and safety issues dahil apektado na rin ang kanilang kalidad sa trabaho kung kaya’t kailangan na aniyang magkaroon ng limitasyon sa working hours ng lahat ng manggagawa sa buong mundo para na rin sa kanilang kapakanan.

Sa huli ay sinang-ayunan ng lider ng labor group si Tulfo at dahil dito, tuluyan nang inatras ng employer’s group ang kanilang panukalang pag-amiyenda.

Leave a comment