
Ni NERIO AGUAS
Tinitiyak ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na ang isinasagawang road improvement works sa Guimaras Central and Circumferential Roads ay madudulot ng mas mabilis at mas maginhawang paglalakbay sa paligid ng mga bayan ng San Lorenzo at Nueva Valencia, Guimaras Province.
Sa San Lorenzo, ang pagpapalawak ng 1-kilometrong San Miguel-Constancia-Cabano-Igcawayan Road sa kahabaan ng Guimaras Central Road mula dalawa (2) hanggang apat (4) na lanes ay nasa 40 porsiyentong tapos na.
Kasama sa iba pang mga gawa sa P54-milyong proyekto ang pagtatayo ng slope protection, pag-install ng mga metal guard rails, at thermoplastic pavement markings bilang safety features.
Ayon kay DPWH Region 6 Director Nerie D. Bueno, ang gitnang kalsada ay nagsisilbing pangunahing ruta patungo sa iba’t ibang destinasyon ng mga turista sa lalawigan, kaya naman, ang road upgrade na ito ay inaasahang magpapalakas ng lokal na pag-unlad ng ekonomiya at turismo.
Sa bayan ng Nueva Valencia, nagpapatuloy sa 79.8 porsiyento ang pagpapalawak ng 789-lineal meter na bahagi ng Guimaras Circumferential Road para mapahusay ang mobility ng mga residente ng barangay Lapaz, Salvacion, Cabalagnan at Lucmayan.
Nagkakahalaga ng P39.6 milyon, ang proyekto ay sumasaklaw rin sa pagtatayo ng concrete headwall, drainage structures, slope protection, at asphalt overlay.
“When completed, these widened road portions will be able to accommodate larger volumes of traffic, improving transportation for various local communities in the island province,” sabi ni Bueno.
Sa kabilang banda, natapos na ang pagkongkreto ng 759-lineal meter na kalsada mula Barangay Calaya hanggang Barangay San Antonio sa halagang P13.5 milyon.
Ang sementadong bahagi na kumokonekta sa Guimaras Circumferential Road ay susuportahan din ang lokal na pag-unlad ng agrikultura sa pamamagitan ng pagpapahusay ng paghahatid ng mga produktong sakahan.
Ang road widening at concreting projects ay isinagawa ng DPWH Guimaras District Engineering Office.
