
Ni NOEL ABUEL
Nangako si OFW party list Rep. Marissa “Del Mar” Magsino na tutulungan nito ang mga Filipinong may mga suliranin sa kanilang trabaho sa South Korea.
Ito ang sinabi ni Magsino matapos ang 5-araw na pagtungo nito sa South Korea at makipag-ugnayan sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na nagtatrabaho dito.
Nakipagpulong ang kongresista sa Filipino communities sa Sokor kung saan tinalakay ng mga ito ang kinakaharap na hamon ng 59,662 OFWs.
Ilan sa ikinagulat ng kongresista ang samu’t saring pang-aabuso sa mga OFWs tulad ng contract switching, illegal recruitment at human trafficking, investment scams, paglabag sa labor standards partikular sa mga seasonal workers at ang kumplikasyon mula sa pagiging undocumented workers.
Bilang tugon, nagkaisa sina Magsino, Philippine Ambassador Ma. Theresa Dizon-De Vega at Labor Attaché Ma. Celeste Valderrama, na agad na kikilos para matulungan ang mga inabusong OFWs.
Partikular na susuriin ng OFW party list ang mga kasalukuyang kasunduan sa ilalim ng “LGU to LGU” arrangements sa pagitan ng Pilipinas at South Korea, na isa sa mga pinagmumulan ng mga paglabag sa paggawa laban sa mga Pilipino.
Titingnan din ng OFW party list ang mga paulit-ulit na paglabag ng mga recruitment agencies na nagpapahintulot sa mga entertainers na ipinapadala nila sa South Korea na maging biktima ng prostitusyon at human trafficking.
Sinabi pa ni Magsino na makikipag-unayan ito sa mga law enforcement agencies sa Pilipinas hinggil sa umano’y extortion ng ilang tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa mga undocumented Filipinos na nabigyan ng amnestiya ng Korean government.
Higit sa lahat, hihikayatin ng OFW party list ang National Bureau of Investigation (NBI) na kilalanin at kasuhan ang mga hinihinalang kasabwat ng mga Pilipino sa malawakang investment scam sa South Korea na bumibiktima sa mga OFWs.
Sa ngayon, nasa kabuuang P150 milyon na ang na-scam mula sa mga Pilipino sa South Korea.
Binisita rin ni Magsino ang National Assembly of the Republic of Korea upang makipagpulong kay Representative Cho Jung Hun na nagsulong ng panukala na payagan ang mga migrants workers na magtrabaho bilang household service workers ngunit may ibang wage system.
“Dialogues with officials of host countries are important as these ensure swift coordination on labor migration issues and help shape policies that factor in the welfare and rights of Overseas Filipino Workers,” sabi ni Magsino.
“We need active partnership with foreign organizations in the host countries of our OFWs, which champion the rights of migrant workers. This allows us to have more allies on the ground in promoting the welfare of our OFWs, specifically their harmonious integration within the communities in their host countries,” dagdag pa nito.
