Kasunod ng magnitude 6.3

Ni NOEL ABUEL
Pinatitiyak ni Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na nasa ligtas at maayos ang kondisyon ang mga pampublikong imprastraktura katulad ng mga kalsada, gusali at mga tulay kasunod ng nangyaring malakas na paglindol ngayong araw.
Ayon sa senador, dapat na agad na magsagawa ng pag-iinspeksyon ang DPWH upang masiguro ang integridad ng mga gusali at tulay.
“Nakakaalarma ang kakatapos lamang na lindol na tumama sa maraming parte ng bansa. The magnitude 6.3 earthquake that hit Calatagan, Batangas was felt in nearby areas, and reached as far as Metro Manila. Ikinabahala ng taumbayan ang pinsalang maaaring dala nito sa mga imprastraktura na maaaring magdulot pa ng lalong panganib,” sabi ni Revilla, chairperson ng Senate Committee on Public Works.
“We know how important public infrastructure is in times of crisis. It is where people would run to seek refuge. Mga ospital, kalsada, covered courts, gyms, at iba pa. Sa mga oras ng sakuna kung kailan hindi tiyak ang tibay ng kanilang kasalukuyang kinalalagyan, wala silang ibang nasa isip puntahan kundi ang mga pampublikong imprastraktura na tiwala silang matibay at makapagbibigay ng proteksyon,” dagdag pa ni Revilla.
Ito aniya ang dahilan kung bakit hinimok nito ang pangunahing ahensya ng pamahalaan na agad na tingnan ang public infrastructure at agarang tugunan ang mga mahahalagang alalahanin na maaaring maglagay sa panganib ang kaligtasan at buhay ng sinuman.
“Sa panahon ng sakuna, ang maagap na pagkilos at pagresponde sa pangangailangan ng taumbayan para sa kanilang kaligtasan ay susi upang mabigyan sila ng hinahon sa gitna ng pangamba,” ayon pa kay Revilla.
“Ang kailangang i-repair at i-retrofit ay gawin na agad, at ang mga dapat palitan ay simulan nang pag-aralan upang mabilisan nang maisama sa taunang budget. When disaster strikes, it’s vital not to waste time. Bawat segundo ay dapat may kalkulado nang estratehiya upang tiyaking matibay at mananatiling nakatayo ang mga pampublikong imprastraktura sa kabila nang sakuna,” giit ng senador.
“Hindi natin mapipigil ang sakuna, ngunit maaari nating pigilan ang lawak at laki ng pinsala nito sa atin kung may kahandaan. Public infrastructures should be as strong and resilient as the spirit of the Filipinos. And government response should be quick and efficient in order to cushion the inevitable consequences of the acts of nature. And the DPWH, as lead agency on public infrastructures, must always be perceptive and responsive in ensuring that these infrastructures on which people rely on, will not only be strong but resilient,” aniya pa.
