Guimaras mangoes suportado na ng geographical indication grant—Angara

Oportunidad sa pag-export sa produktong Pinoy posible na

NI NOEL ABUEL

Naniniwala si Senador Sonny Angara na malaki ang posibilidad na magbukas ng malaking oportunidad para sa mga produktong Pinoy ang kauna-unahang geographical indication (GI) grant sa sikat na prutas na mangga mula sa Guimaras.

Bilang pangunahing may-akada ng Senate Bill 1868 o ang Protected Geographical Indications Act, sinabi ni Angara na ang GI grant sa Guimaras mango ay malaking pagkakataon upang makilala sa pandaigdigang merkado ang mga pananim na may mataas na kalidad, gayundin ang iba pang produkto ng bansa. 

Una nang inaprubahan ng Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL) ang aplikasyon ng Guimaras  Mango Growers and Producers Development Cooperative (GMGPDC) sa GI registration.

Ayon sa IPOPHL, bunga ito ng isang dekadang pagpupursige ng nasabing organisasyon na mabigyan diin na ang Guimaras mangoes ang may pinakamataas na kalidad kung ang pag-uusapan ay ang pinagdaanan nitong proseso ng pagtatanim, pag-aani, pag-iingat, packing at storage.

“Tayong mga Pilipino, alam natin na pag sinabing Guimaras mango, matamis talaga. Isa sa pinakamatamis na mangga sa ating bansa. At ‘yung kalidad nito, makikita n’yo naman kung gaano kaganda at pasadong-pasado sa mga kinakailangang standard para pumasok sa merkado ng ibang bansa. At ngayong nagarantiyahan na ito sa kauna-unahang pagkakataon ng GI, malaki ang magiging pakinabang ng ating mango farmers sa Guimaras dahil siguradong tataas ang demand ng kanilang produkto at tataas din ang kanilang kita,” pahayag ni Angara.

Napag-alaman din aniya nito na nakatanggap ang GMGPDC ng export offers mula sa mga bansang Czech Republic, Dubai at South Korea, matapos pumatok ang paunang dalawang toneladang Guimaras mangoes sa Switzerland noong 2022.

“Ang GI ang nagpapatunay na talagang galing ang produkto sa orihinal na lugar na pinagmulan nito, kung saan kilala ang produkto sa reputasyon nitong dekalidad. At dahil sa GI, lalakas ang marketing tool ng mga producer at tataas ang demand sa kanilang mga produkto. Umaayon ito sa ating isinusulong natin na Tatak Pinoy or Proudly Pinoy advocacy dahil nilalayon natin ditong itaas ang kalidad ng  mga produkto ng Pilipinas upang magkaroon naman tayo ng oportunidad na pasukin ang international markets. Kung magkakagayon, marami tayong mga kababayang matutulungan lalo na ang mga nangangailangan ng maayos na trabaho,” dagdag pa ni Angara.

Ayon pa sa senador, sakaling maisabatas ang SBN 1868, mareresolba ang alalahanin ng GI holders hinggil sa infringement na matagal na ring problema ng iba pang lugar tulad ng European Union, dahil mapapatawan na ng kaukulang multa ang mga nasasangkot dito.

Maging ang mga producers na wala pang GI ay nakararanas din ng infringement dahil sa paglaganap ng mga produkto na umano ay gawa nila o galing sa kanilang mga lugar pero hindi naman at mababa rin ang kalidad.

Sa ilalim ng panukala ni Angara, ang di pinahihintulutang paggamit sa registered GIs o walang awtorisasyon mula sa registrant ay ituturing na infringement at pananabotahe sa economic interest ng estado.

Maliban sa posibleng pagsasampa ng kasong administratibo, may kaukulan ding criminal penalty na pagkabilanggo nang mula dalawa hanggang limang taon ang infringement of GIs, at pagmumulta nang mula P500,000 hanggang P1 milyon.

Ang GI registration ay isinasagawa sa pangangasiwa ng Bureau of Trademarks of IPOPHL.

Hinihikayat din ng senador ang lahat ng eligible local producers na pagsikapang makakuha ng GI, hindi lang para mapataas ang kanilang kita, kundi para na rin maipakita sa buong mundo ang kalidad ng produktong gawa ng Pilipinas.

Leave a comment