
NI MJ SULLIVAN
Asahan na magiging maulan sa Palawan, at sa ilang probinsya sa Visayas at Mindanao dahil sa epekto ng intertropical convergence zone (ITCZ).
Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ang Caraga, Davao Region, SOCCSKRGEN, at Northern Mindanao ay magkakaroon ng maulap na papawirin na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog-pagkidlat.
Posible ang pagkakaroon ng flashfloods, landslides dahil sa inaasahang malakas na pag-ulan na mararanasan bukas hanggang sa mga susunod na araw dahil sa epekto ng ITCZ.
Habang ang Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa ay magkakaroon din ng maulap na papawirin na may kasamang pag-ulan dahil din sa ITCZ na may kasamang localized thunderstorms na magdadala rin ng pagbaha at pagguho ng lupa.
Ayon pa sa PAGASA, mula ngayon hanggang Hunyo 21, ang Visayas at Mindanao ay patuloy na makakaranas ng mga pag-ulan habang ang Luzon ay may maaliwalas na panahon maliban na lamang pagsapit ng hapon o gabi ay magkakaroon ng pag-ulan at pagkulog-pagkidlat.
