Congratulations SPD!

MULING itinanghal ang Southern Police District (SPD) bilang Rank 1 sa Unit Performance Evaluation Rating ng National Capital Region Police Office (NCRPO).

Ang pagiging Rank 1 ng SPD ay nakamit nila sa loob ng eight consecutive months.

Ibig sabihin, simula noong November 2022, ang SPD ang may pinakamagandang performance at accomplishments sa buong Metro Manila police district office.

Dahil ito sa maayos na liderato ni Brig. Gen. Kirby Kraft.

Ang balita ko, pati ang SPD Intelligence Division na pinamumunuan naman ni Lt. Col. Grant Gollod, Rank Number 1 din sa larangan ng ‘intel’ sa buong metropolis.

Wala naman tayong masabi sa performance ni Gen. Kraft dahil magaling naman talaga ang opisyal at kanyang mga tauhan.

Masipag ito, matapang at talagang hands-off sa pagtimon sa kanyang mga tauhan.

Kaya pati tayo ay sumasaludo sa kanya.

Snappy salute po, Gen. Kirby Kraft, sir!

***


Pero teka, Gen. Kraft, sir, mayroon nga pala akong ipapakiusap sa inyo.

Tahimik kasi ang kapulisan hinggil sa mga impormasyong lumalabas na may talamak daw na high end prostitution sa Club Matrix.

Bago magdemanda ng libel, gusto kong linawin na ang sumbong sa Club Matrix ay base sa mga impormasyong dumarating sa atin.

Ngayon, kung gusto nilang magbigay ng kanilang panig, nakahanda po tayong ilabas ang kanilang komento at reaksiyon.

Para sa kaalaman ni Gen. Kirby Kraft, sir, higit na naging kontrobersiyal ang Club Matrix dahil sa paglagay sa mukha at larawan ni PNP chief Gen. Benjamin Acorda sa kanilang LED screen na katabi mismo ng signage ng naturang klab.

Bukod kay CPNP, inilagay rin sa LED screen ang mukha naman ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano.

Ang tingin ng ilang kritiko rito, mukhang ipinagmamalaki ng Club Matrix na ‘untouchable’ sila dahil nakaka-PR sila kina CPNP at Mayora.

Para sa akin, pangit din itong tingnan lalo na’t may sumbong na may Russian, Vietnamese at China girls na puwedeng i-take out sa Club Matrix sa halagang P50,000 kada isang foreigner na babae.

Ang ilang Pinay naman daw dito ay mga menor de edad na dapat i-double check ng kapulisan kung totoo.

Tambayan din daw ito ng mga Chinese drug lords na dapat ding pasadahan ng mga tropa ni Gen. Kraft.

Sa dami ng mga nagkalat na klab na sakop ng SPD mula Pasay, Parañaque, Las Piñas, Taguig, Pateros at Muntinlupa, wala pa tayong nababalitaan na ni-raid ng grupo ni Gen. Kraft.

Sabi nga ng isang kolektor na may alyas Bebet, wala raw talagang raid na mangyayari, lalo są Club Matrix kasi ‘pasok’ na sa lahat, lalo na są SPD.

Sana hindi totoo, Gen. Kirby Kraft, sir!

***

Para sa anumang reaksyon, suhestiyon at sumbong, tumawag o mag-text sa cell phone no. 09157412674.

Leave a comment