
Ni NOEL ABUEL
Nanindigan si Senador Christopher “Bong” Go sa patuloy na pangangailangan para sa matatag na aksyon para labanan ang banta ng llegal na droga sa kabila ng pagsasampa kamakailan ng mga kaso ng Department of the Interior and Local Government (DILG) laban sa mga pulis na umano’y sangkot sa kontrobersyal na makumpiskang 990 kilong shabu.
Sa isang ambush interview matapos ang kanyang pagbisita sa Quezon City noong Huwebes, Hunyo 15, binigyan-diin ni Go ang kahalagahan ng pagpapanagot sa mga responsable sa kanilang mga aksyon.
Aniya, ang insidenteng ito ay dapat magsilbing wake-up call at pagkakataon para palakasin ang paglaban sa ilegal na droga.
“Kung ano po ang tama, ano lang po ang totoo. The truth must always come out. Ibig sabihin, kung sino po ang may kasalanan, dapat mapanagot at kasuhan at makulong. Alam n’yo, bawat isang gramo, bawat isang kilo na kumalat sa kalye, ilang pamilya po ang wawasakin ng mga ‘yan,” giit ni Go.
Kamakailan, nagsampa ng kasong kriminal ang DILG sa Office of the Ombudsman laban sa 50 pulis, kabilang ang dalawang heneral ng pulisya.
Ang mga kasong ito ay may kaugnayan sa umano’y pagkakasangkot ng mga ito sa malawakang pagsamsam ng shabu na 990 kilo na naganap noong nakaraang taon.
Ang nakumpiskang shabu, na nagkakahalaga ng halos PhP6.7 bilyon, ay nakuha mula kay dating police master sergeant Rodolfo Mayo Jr. noong Oktubre 8, 2022, na nagmarka dito bilang isa sa pinakamalaking makumpiskang illegal na droga sa kasaysayan ng bansa.
Nanawagan si Go sa Philippine National Police (PNP) para sa patuloy na mga hakbang na ipapatupad upang maalis ang kurapsyon at matiyak na ang mga inosenteng miyembro ng puwersa ng pulisya ay hindi maaapektuhan nang hindi patas.
Kinilala ng senador na mayorya ng mga pulis ay dedikadong mga lingkod-bayan na inilalagay ang kanilang buhay para protektahan ang komunidad.
Gayunpaman, ang pagkakasangkot ng iilan sa mga iligal na gawain ang sumisira sa reputasyon ng buong puwersa at sumisira sa tiwala ng publiko.
“Sabi ko po, malaki po ang aming tiwala sa kapulisan, ngunit mayroon talagang bulok d’yan. Iilan lang po ‘yan. Sayang po ang naibalik na tiwala ng taumbayan sa ating kapulisan kung mayroon pong mahahalong bulok,” sabi ng senador.
“Dahil kapag nakahawa po itong bulok na ito, delikado po ‘yan kapag pumasok na po ang sindikato sa pulis. Kaya ngayon pa lang, kailangan pong ihiwalay ang mga bulok na pulis dahil marami pong matitino,” dagdag nito.
Sa kanyang bahagi bilang isang mambabatas, iminungkahi ni Go ang isang multifaceted na diskarte na kinabibilangan hindi lamang ng mahigpit na panloob na pagsisiyasat kundi pati na rin ang mga komprehensibong reporma sa loob ng organisasyon ng pulisya.
