40 pamilya nakatanggap ng TCT sa NHA at sa Caloocan gov’t

Walang pagsidlan ng tuwa ang mga nakatanggap ng Transfer Certificate of Titles (TCT) para sa kanilang sariling lote mula sa National Housing Authority (NHA) at sa tulong ng Caloocan city government. 

Ni JOY MADELAINE

Aabot sa 40 residenteng pamilya ng Tala Resettlement Project ang ginawaran ng Transfer Certificate of Titles (TCT) para sa kanilang sariling lote ng National Housing Authority (NHA), sa pakikipag-ugnayan ng pamahalaang lungsod ng Caloocan sa Tala Glorietta Park.

Kasama rin sa okasyon ang paglagda ng deeds of donation ng NHA para sa mga open spaces, pathways, at mga kalsada na donasyon nito sa Phase 3-A ng nasabing resettlement project.

Taos-pusong binati ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan, na siya ring Vice Chairman ng Tala Development Project ng NHA, ang mga benepisyaryo ng TCTs at inaasahan na pangalagaan ng mga ito ng mabuti ang mga natanggap sa regalong ibinibigay sa kanila para sa benepisyo ng kanilang mga komunidad at pamilya.

“Congratulations po sa ating mga awardees! Sana po ay maging inspirasyon sa inyo ang inyong mga titulo pati na ang mga open space at pathways na ipinagkaloob ng NHA na gawing masaya ang inyong tahanan at komunidad. Inaasahan ko rin po na aalagaan niyo ang biyayang ito upang mapakinabangan pa ng inyong mga anak at apo,” sabi ng alkalde.

Pinasalamatan din ni Malapitan ang NHA at ang City Housing and Resettlement Office (HARO) at umaasa na ang partnership ay patuloy na mamumulaklak at magbubunga para sa kapakanan ng mga residente ng Caloocan.

“Malaki po ang pasasalamat natin sa NHA sa pagtulong nila sa ating lungsod para sa programang ito. Nagpapasalamat din po ako sa HARO at sa lahat ng bumubuo ng Tala Development Project,” sabi ni Mayor Along.

“Titiyakin po natin na hindi rito nagtatapos ang serbisyo at malasakit sa inyo ng Pamahalaang Panlungsod. Lahat po ng ginagawa natin ay para sa inyo, mga Batang Kankaloo,” dagdag nito.

Ang paggawad ay dinaluhan ng pangunahing opisyal ng NHA gayundin ni Caloocan City District 1 Rep. Oscar “Oca” Malapitan at City Administrator Engr. Aurora Ciego.

Leave a comment