Wanted na US national arestado ng BI

Ni NERIO AGUAS

Bumagsak sa kamay ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang isang US national na wanted sa bansa nito.

Kinilala ang nadakip na dayuhan na si William Robert Braddock III, 39-anyos, ng mga tauhan ng BI Fugitive Search Unit (FSU) sa tulong ng Federal Bureau of Investigation (FBI) at ng US Diplomatic Security Service-Overseas Criminal Investigations (DSS-OCI).

Nabatid na si Braddock ay undocumented alien at may arrest warrant na inilabas ng United States District Court for the Middle District Court of Florida laban dito.

Sinasabing si Braddock ay wanted sa kasong Interstate Transmission of Threat to Injure, in Violation of Section 875(c) of Title 18 of the United States Code matapos umanong gumawa ng mga pagbabanta na tawag laban sa isang Amerikanong politiko at sa kanyang kasamahan.

“Foreign fugitives are not welcome in Philippine soil. We will continue our close cooperation with international partners to bring fugitives to justice,” ayon sa BI.

Sa ulat ni BI FSU Chief Rendel Ryan Sy, nadakip ang dayuhan sa kahabaan ng Roxas Boulevard matapos ang matagal na surveillance para sa ikadarakip nito

Kasalukuyang nakakulong sa BI detention facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City ang dayuhan habang inihahanda ang resolusyon para sa pagpapatapon dito pabalik ng US.

Leave a comment