4,229 pamilya sa Albay tinulungan ni Sen. Revilla

Ni NOEL ABUEL

Pinangunahan ni Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. ang isinagawang Bayanihan relief operations sa mga nagsilikas na pamilya na nasa iba’t ibang evacuation centers dahil sa pag-aalboroto ng Bulkang Mayon.

Personal na tinungo ni Revilla ang mga pamilya na nasa evacuation centers sa iba’t ibang bayan sa paligid mismo ng bulkan sa Santo Domingo, Malilipot, Guinobatan, Camalig, Daraga at Tabaco.

Mahigit sa 4,229 pamilya ang nakatanggap ng P5,000.00 cash assistance bawat isa upang kahit paano ay makatulong umano sa mga gastusing kinakaharap ng mga nagsilikas.

Kilala si Revilla bilang isa sa palaging nakikitang rumiresponde sa mga kalamidad na kung hindi man nangunguna ay hindi talaga nagpapahuli at palaging may panahon kung pagtulong ang pag-uusapan.

“Ipinapaabot ko po ang aking tauspusong pakikiisa sa inyong muling pagbangon at pagsulong. Lahat tayo ay dumadaan sa pagsubok, pero ang importante, lahat tayo ay patuloy pa ring bumabangon. Ang panalangin ko sana ay walang masaktan at masira pa. Wala akong ibang hiling maliban sa sana ay huwag matuloy ang nakaambang panganib na dala ng bulkan,” maikling pahayag ni Revilla.

Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nasa 20,000 katao ang inilikas sa mga evacuation centers mula sa dating six-kilometer ngunit ginawa ng eight kilometer danger zone sa paligid ng buong bulkan.

Leave a comment