
NI NERIO AGUAS
Naglaan ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng P50 milyon tulong sa mga manggagawang Bicolano na apektado ng pag-aalburoto ng bulkang Mayon para sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers.
Ayon sa DOLE, makikinabang ang libu-libong pamilyang nawalan ng tirahan mula sa pitong bayan at lungsod sa Albay dahil sa bulkang Mayon mula sa TUPAD emergency employment assistance na pamamahalaan ng DOLE Regional Office sa Bicol.
Sa ilalim ng TUPAD, ang isang miyembro mula sa bawat apektadong pamilya ay babayaran ng P10,950 para sa 30 araw na pagtatanim sa mga komunidad na malapit sa mga evacuation centers, temporary shelter maintenance at housekeeping, gayundin sa paghahanda ng pagkain.
Una rito, iniabot ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., kasama sina Labor Secretary Bienvenido E. Laguesma, RD Ma. Zenaida A. Angara-Campita at ARD Imelda E. Romanillos ang tseke mula sa programang TUPAD na nagkakahalaga ng P50 milyon sa mga lokal na pinuno ng mga munisipalidad na apektado ng bulkan matapos ang situation briefing sa Mayon Seismic Activity noong Hunyo 14, 2023, sa Albay Astrodome sa Legazpi City.
Sinabi ni Laguesma na handa ang ahensya na magbigay ng kinakailangang tulong sa pamamagitan ng TUPAD sa pagsisimula ng DOLE Bicol na magsagawa ng profiling sa lahat ng evacuation sites sa Albay.
“At kahit nakabalik na sila sa kanilang mga tahanan, maaari pa rin nating silang matulungan sa kanilang kabuhayan,” dagdag ni Campita.
“Sa pakikipagtulungan ng DSWD at DA, babayaran ng DOLE sa pamamagitan ng TUPAD ang mga na-profile na worker-evacuees na magpapanatili sa kalinisan ng mga evacuation center, partikular ang kusina at mga palikuran; pagtatanim ng gulay, at pagtulong sa mga camp manager sa paghahanda ng pagkain sa mga evacuation sites,” pahayag ni RD Campita.
Ang TUPAD ay isang community-based package of assistance na nagbibigay ng pansamantalang trabaho para sa mga manggagawang nawalan ng trabaho, underemployed at seasonal na manggagawa, na hindi bababa ng 10 araw, ngunit hindi hihigit sa 90 araw, depende sa klase ng trabahong gagawin.
Samantala, kasalukuyang nasa Alert Level 3 ang Bulkang Mayon.
Sa kabuuang bilang ng mga apektadong pamilya at indibidwal, 4,286 na pamilya o 15,017 katao ang pansamantalang naninirahan sa 22 evacuation centers, habang 185 pamilya o 659 katao ang pansamantalang naninirahan sa ibang lugar, ayon sa OCD.
Iniulat din na may 120 alagang hayop tulad ng kalabaw, baka, at kambing ang inilipat sa mas ligtas na lugar mula sa mga danger zone sa mga munisipalidad ng Daraga at Malilipot.
