Bagong estilo ng human trafficking

Ni NERIO AGUAS
Muling nagpahayag ng pagkabahala ang Bureau of Immigration (BI) sa pagkalat ng pekeng Commission on Filipinos Overseas (CFO) certificates na senyales ng bagong kaso ng human trafficking.
Nabatid na maraming beses nang nakakumpiska ang mga tauhan ng BI sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at iba pang paliparan sa bansa ng mga pekeng CFOs Guidance and Counseling Program (GCP) certificates na ipinapakita ng mga OFWs sa panahon ng inspeksyon.
Ang GCP ay isang kinakailangang pre-departure seminar na isinagawa ng CFO na naglalayong bigyan ng sapat na impormasyon ang mga Filipino sa intermarriages at bi-national relationships sa cultural and social realities overseas.
Ang sertipikasyon ay nagpapakita na ang mga may hawak ng nasabing dokumento ay dumalo sa GCP at maaari nang makaalis papuntang ibang bansa.
Sa datos ng BI, noong Hunyo 16, isang Pinay ang naharang sa NAIA Terminal 1 na patungo sana sa Pudong, China na nagsumite ng pekeng CFO GCP certificate.
Ang nasabing biktima, na 29-anyos ay kasama ng isang Chinese national na sinasabing asawa nito.
Matatandaang noong Mayo, naglabas ng babala ang BI laban sa mga pekeng CFO certificates, matapos maharang ng mga immigration officers ang dalawang biktima sa magkahiwalay na okasyon.
“We believe that this is an emerging trafficking trend, victimizing Filipinas to possibly work in scam call centers, as mail order brides, or as illegal surrogates. Hence we are issuing a warning against Filipinos against this scheme,” ayon sa BI.
Ibinahagi ng ahensya na ang mga nasagip na biktima ay pawang nakuha ang pekeng sertipikasyon sa pamamagitan ng fixer na nakilala ng mga ito sa online.
“With the creation of the shared information system between the BI and the CFO, schemes like this will not be able to pass,” babala pa ng BI.
