
Ni NOEL ABUEL
Tinitiyak ni Senador Christopher “Bong” Go ang matatag na pangako na palakasin ang sektor ng edukasyon sa buong bansa.
Sa kanyang pagbisita sa iba’t ibang komunidad sa bansa, ibinahagi ni Go ang kanyang pakikipag-ugnayan sa mga estudyanteng Pilipino, na nagbigay-inspirasyon sa kanila na ituloy ang kahusayan sa akademiko at binibigyan-diin ang kahalagahan ng pagkumpleto ng kanilang pag-aaral bilang isang mahalagang kontribusyon sa kanilang mga magulang.
“Sa aking naging mga pagbisita sa mga komunidad kamakailan lamang, nagkaroon ako ng pagkakataon na makasalamuha ang ilan sa ating mga estudyante. Binigyan-diin ko sa kanila ang kahalagahan ng edukasyon sa paghubog ng isang mas magandang kinabukasan,” sabi ni Go.
“Hinimok ko silang magsumikap sa kanilang pag-aaral at ipinaalala na sila ang ‘torchbearers’ ng kaunlaran para sa Pilipinas. Ang pagtatapos ng pag-aaral ang pinakamagandang regalo na maibibigay nila sa kanilang mga magulang,” dagdag nito.
Ibinahagi ng senador ang isinusulong nitong reporma sa edukasyon para mabigyan ng magandang kinabukasan ang mga kabataan.
“Kasama na rin dito ang pagsisikap upang mabigyan ng magandang kinabukasan ang ating mga kabataang pag-asa ng bayan sa pamamagitan ng de-kalidad na edukasyon,” ayon pa dito.
Aniya, malaki ang tiwala nito kay Vice President Sara Duterte bilang kalihim ng Department of Education (DepEd) na mapapabuti ang programa ng gobyerno para sa edukasyon.
Alinsunod sa paniniwalang ito, si Go ay naghain ng ilang panukalang batas sa Senado kabilang ang Senate Bill No. 1864, na kilala rin bilang “Student Loan Payment Moratorium During Disasters and Emergency Act.”
Ipinaliwanag nito na ang layunin ng panukalang batas na ipagpaliban ang pangongolekta ng mga student loan sa panahon ng kalamidad o pandemya.
Gayundin, isinusulong din ni Go ang pagpasa sa SBN 1359, o ang “No Permit, No Exam Prohibition Act, at ang SBN 1360, na naga-amiyenda sa “Universal Access to Quality Tertiary Education Act.”
“Bigyan natin ng palugit ‘yung mga mahihirap na nais lamang makapagtapos ng pag-aaral. Hindi dapat ipagkait ng lipunan ang de-kalidad na edukasyon sa sinuman batay sa kanilang kakayahan na magbayad,” sabi ni Go.
“Sa pamamagitan ng pagpapalawak ng saklaw ng mga educational assistance programs ng gobyerno, tinitiyak natin na mas maraming karapat-dapat na estudyante ang makapagpapatuloy ng kanilang pag-aaral at makatutulong sa pag-unlad ng ating bansa,” paliwanag pa nito.
