
Ni NOEL ABUEL
Inirekomenda ni Leyte Rep. Richard I. Gomez sa House Committee on Natural Resources ang pagsasampa ng criminal at administrative charges sa Office of the Ombudsman laban sa isang alkalde at asawa nito dahil sa paglabag sa environmental laws.
Ayon kay Gomez, dapat na managot sina Palompon Mayor Ramon Oñate at asawa nitong si Lourdes dahil sa matinding paglabag sa batas ng kapaligiran ng bansa.
Hinimok ni Gomez ang liderato ng Kamara na magkaroon ng isang ulat at isang konklusyon na ang mag-asawang Oñate, kasama ang mga kasabwat na empleyado ng regional office ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) dahil sa paglabag sa Forestry Act at environmental management laws sa napakalaking polusyon sa tubig, lupa, at hangin.
“I recommend that with these offenses, the Committee would come up with a report and a conclusion that we will file this to the Ombudsman,” sabi ni Gomez, may akda ng House Resolution No. 778 na nag-udyok sa pagsisiyasat ng Kamara sa tahasang paglabag sa land use and environmental management laws sa mga munisipalidad ng Palompon at Albuera sa ikaapat na distrito ng Leyte.
Partikular na hiniling ng mambabatas sa House panel na tingnan kung paano nadudumihan ng DBSN Farms Agriventures Corporation ang mga yamang tubig, lupa at hangin sa mga munisipalidad ng Palompon at Albuera kung saan nag-o-operate ang kumpanya.
Si Mayor Oñate ang pangulo at chief executive officer (CEO) ng DBSN, na may 55,000-capacity chicken dressing plant sa Albuera at breeder farm sa Palompon na kapasidad na 88,000 chicken heads.
Ang ginawang pag-aaral ng Department of Biological Sciences ng University of Santo Tomas’ College of Science sa kalidad ng tubig, stream ecology, microbial analysis ng Albuera-Tinag-an stream system ay nagpakita na ang mga solid wastes mula sa DBSN dressing plant ay nadumihan ang tubig ng Ormoc Bay.
Kabilang sa mga solid waste ng planta ay ang mga patay na manok, bituka ng manok, at iba pang bahagi at materyales nito.
Sa kabilang banda, ang mga nakolektang solid waste mula sa planta ng Albuera ay dinala sa Palompon at itinapon sa Lot 5150 sa Barangay San Joaquin, na matatagpuan sa loob ng perimeter ng Palompon Watershed at Forest Reserve na itinatag sa ilalim ng Proclamation 212 na inilabas ni dating Pangulong Corazon Aquino noong 1988.
Maliban sa pagsasampa ng kaso, inirekomenda rin ni Gomez na kanselahin ng DENR ang Environmental Compliance Certificate (ECC) na inisyu sa DBSN sa lalong madaling panahon dahil sa polusyon.
“That is my recommendation… for the secretary of DENR to study this further and make sure that all penalties would be paid by DBSN Farm and to cancel its ECC right away because of the pollution happening as revealed in the test. Cancellation of the ECCs of DBSN Farm in San Joaquin, the dressing plant in Albuera in Barangay Tinag-an, Antipolo,” ayon pa kay Gomez.
Iminungkahi rin nito na hukayin ng DENR ang dumpsite kung saan itinapon ang mga solid waste.
“This is totally unacceptable that this is happening. We cannot and should not tolerate the destruction of our environmental resources,” aniya pa.
Hinimok din ng dating alkalde ng Ormoc City si DENR Secretary Toni Yulo-Loyzaga na ilipat ang lahat ng pinuno ng iba’t ibang tanggapan ng DENR Region 8 sa ibang mga rehiyon.
“They are so familiar with the people in the area, they are also familiar with all the illegalities of inside offices. So, I suggest that we recommend and ask the secretary to move them out, to transfer them,” giit ni Gomez.
Nanawagan din ang kongresista sa pamunuan ng Landbank of the Philippines na kanselahin ang mga pautang sa pangalan nina Ramon at Lourdes Oñate at magsampa ng kasong estafa laban sa kanila at sa DBSN Farm dahil sa panlilinlang.
