
NI NERIO AGUAS
Tatlong indibiduwal kabilang ang isang kilalang online influencer ang napauwi ng Pilipinas matapos mabiktima ng crypto traffickers sa bansang Myanmar.
Ayon sa Bureau of Immigration (BI), ang mga biktima na 20-anyos at 30-anyos, ay nasagip mula sa kamay ng mga sindikato at dumating sa bansa noong Hunyo 15 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 mula Myanmar.
Sinabi ng mga tauhan ng travel control and enforcement unit (TCEU) na ang mga biktima ay umalis ng bansa noong Abril ng taong kasalukuyan at nagkunwang mamamasyal sa Singapore.
Sa imbestigasyon, inamin ng mga biktima na na-recruit ang mga ito sa pamamagitan ng online para magtrabaho sa isang call center sa Thailand.
Anila, huli na nang malaman ng mga ito na inilipat sila sa Yangon, Myanmar para magtrabaho sa isang pseudo-call center na sangkot sa scamming.
“One of the victims was even an online influencer, with more than 10 thousand subscribers,” ayon sa BI.
Babala pa ng BI sa mga Filipino na huwag maging biktima ng human trafficking at nagkunwang mga turista para illegal na magtrabaho sa ibang bansa.
“Leaving as tourists makes you more vulnerable, and we have received reports of victims being physically abused by these traffickers. If you wish to work abroad, do so legally, through the Department of Migrant Workers,” apela ng BI.
Ang tatlong biktima ay tinulungan ng NAIA Task Force Against Trafficking, ng National Bureau of Investigation (NBI), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Department of Migrant Workers (DMW).
