P49M infra projects sa Aurora natapos na ng DPWH

Ni NERIO AGUAS

Nakumpleto na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang dalawang proyektong imprastraktura na nagbibigay-daan para sa road improvements at pinahusay na flood resilience sa Maria Aurora, Aurora.

Tinukoy ni DPWH Regional Office 3 Director Roseller A. Tolentino ang mga natapos na proyekto na pinondohan sa ilalim ng 2022 General Appropriations Act (GAA) tulad ng pagsesemento ng local road network sa Barangay Detailen at ang pagtatayo ng flood control structure sa kahabaan ng Pacugao River sa Barangay Cabituculan East.

Sa ulat mula kay DPWH Aurora District Engineer Roderick A. Andal, sinabi ni Tolentino na may kabuuang 1.99 kilometro ng kalsada ang ginawang kongkreto na may linyang mga kanal sa halagang P29.4 milyon.

Ang bagong concreted roads sa Barangay Detailen ay makakatulong para sa mga residente ng nasabing lugar partikular ng mga magsasaka na nagtatanim ng buko.

Samantala, natapos na ng DPWH Aurora DEO ang pagtatayo ng 232.50-meter flood control structure sa bahagi ng Pacugao River na dumadaloy sa Barangay Cabituculan East.

Ayon kay Tolentino, ang flood control structure na itinayo sa halagang P19.6 milyon ay nagsisilbi na ngayong mahalagang proteksyon para sa mga residential areas at bukirin laban sa potensyal na pagbaha mula sa pag-apaw ng tubig sa ilog.

Leave a comment