Pagtatayo ng agri pension fund sa 9.7M magsasaka at mangingisda iginiit

Rep. Brian Yamsuan

Ni NOEL ABUEL

Iginiit ni Bicol Saro party list Rep. Brian Raymund Yamsuan sa Kongreso na magpasa ng batas na maglaan ng pondo para sa pensiyon ng nasa 9.7 milyong maliliit na magsasaka at mangingisda sa bansa na karamihan ay nabubuhay sa kahirapan.

Sinabi ni Yamsuan na ang House Bill (HB) 7963, na inihain nito at ni Camarines Sur 2nd District Rep. LRay Villafuerte, ay naglalayong itatag ang Agricultural Pension Fund (AFP) na pamamahalaan ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC).

Sa panukala ay makikinabang ang hindi bababa sa 708,000 manggagawa sa Bicol Region na nagtatrabaho sa sektor ng agrikultura na binanggit ng Philippine Statistics Authority (PSA).

“Our farmers and fisherfolk are among the poorest of the poor in our society. Despite their hard work and sacrifices to ensure that we have food on our tables, they retire without expecting any lifeline aid from the government. Providing them with pension benefits when they reach old age is a long-overdue measure that Congressman LRay and I hope will be approved in this Congress,” ani Yamsuan.

Sa ilalim ng panukalang batas, ang PCIC ay inatasang lumikha ng pension plan para sa mga retirado sa sektor ng agrikultura, at pamahalaan at mamuhunan ang AFP upang matiyak ang pagpapanatili nito.

Ang PCIC, na attach agency ng Department of Agriculture (DA), ay pinahihintulutan din sa ilalim ng panukalang-batas na tukuyin ang pamantayan para sa pagiging kwalipikado ng mga potensyal na pensiyonado sa agrikultura, sa pakikipag-ugnayan sa iba pang ahensya ng gobyerno.

Sa datos ng PSA noong 2019, nagpapakita ng patuloy na pagbaba sa bilang ng mga manggagawa sa sektor ng agrikultura sa loob ng limang taon.

Mula umano sa 11.294 milyong manggagawa noong 2015, bumaba ang bilang ng mga nagtatrabaho sa sektor ng agrikultura sa 11.064 milyon noong 2016; 10.261 milyon noong 2017; 9.998 milyon noong 2018; at 9.698 milyon sa pre-pandemic year ng 2019.

Ang rehiyon ng Bicol ang may pinakamaraming bilang ng mga agricultural workers na may 871,000 noong 2015, na bumaba sa 841,000 noong 2016 at 698,000 noong 2017.

At noong 2018, ang bilang ng mga agricultural workers sa rehiyon ay tumaas sa 741,000 subalit noong 2019, tanging 708,000 manggagawa ang iniulat ng PSA na nagtrabaho sa Bicol Region’s agriculture sector.

Sinabi ni pa ni Yamsuan na ang pagbibigay ng lifetime pension para sa mga magsasaka at mangingisda ay dapat isama sa listahan ng mga hakbang na nilalayon ng gobyerno na ipatupad upang hikayatin ang mas maraming manggagawa na manatili o lumipat sa sektor ng agrikultura.

Leave a comment