Empleyadong magtatrabaho sa Eid’l Adha, tatanggap ng dobleng bayad — DOLE

Ni NERIO AGUAS

Nagpaalala ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga employers ng pribadong kumpanya na sumunod sa pagbabayad ng holiday pay sa Hunyo 28 na pagdiriwang ng Eid’l Adha.

Ito ang sinabi ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Bienvenido E. Laguesma base Labor Advisory No. 14, Series of 2023, na nagsasaad sa tamang pagtutuos sa sahod ng mga manggagawa para sa idineklarang regular holiday bilang paggunita sa Eid’l Adha o Feast of Sacrifice.

Itinatakda ng advisory na ang mga empleyadong magtatrabaho sa regular holiday ay babayaran ng 200 porsiyento ng kanilang sahod sa unang walong oras (arawang sahod x 200%).

Kung ang empleyado ay hindi papasok sa trabaho, sila ay babayaran ng 100 porsiyento ng kanilang sahod para sa nasabing araw, ngunit kinakailangan sila ay nagtrabaho o naka-leave of absence na may bayad sa araw bago ang regular holiday.

Kung ang araw na sinusundan ng regular holiday ay araw na walang pasok sa establisimiyento o nakatakdang araw ng pahinga ng empleyado, nararapat silang bayaran ng holiday pay kung sila ay nagtrabaho o naka leave of absence sa araw na sinusundan ng araw na walang pasok o araw ng pahinga.

Ang empleyado na magtatrabaho ng higit sa walong oras (overtime) ay babayaran ng karagdagang 30 porsiyento ng kanyang orasang kita (orasang kita ng arawang sahod x 200% x 130% x bilang ng oras na trinabaho).

Bukod dito, nakasaad sa advisory na ang mga empleyadong magtatrabaho sa nasabing regular holiday na araw din ng kanilang pahinga ay babayaran ng karagdagang 30 porsiyento ng arawang sahod na 200 porsiyento; habang ang mga gagawa ng overtime na trabaho ay babayaran ng karagdagang 30 porsiyento ng orasang kita sa nasabing araw.

Para sa karagdagang katanungan sa tamang pagbabayad ng sahod, pinapayuhan ang publiko na tumawag anumang oras o araw sa DOLE Hotline 1349.

Maaari ring tumawag o mag-text sa 0961-595-8439, mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon, Lunes hanggang Biyernes.

Maaari ring ipadala ang kanilang mga katanungan sa pamamagitan ng electronic mail sa hotline1349@dole.gov.ph o sa pamamagitan ng direktang mensahe sa Facebook Page ng DOLE.

Leave a comment