
Ni NOEL ABUEL
Tinawag ni Senador Nancy Binay na modus operandi na ng mga airline companies ang pagtanggap ng mas maraming bookings subalit sa huli ay nakakansela dahil sa overbooking.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Tourism and Public Services, na pinamunuan ni Binay, sinabi nitong sang-ayon ito sa pahayag ni Senador Raffy Tulfo na sinasadya umano ng mga airline companies na magkaroon ng overbooking.
Nabatid na ang pagdinig ay bunsod ng inihaing Senate Resolution No. 575 ni Binay, na nananawagan ng imbestigasyon laban sa Cebu Pacific dahil sa overbooking, offloading, at booking glitches na nagpapahirap sa mga pasahero.
Ayon kay Binay, lumalabas aniya na bagong modus ngayon ang overbooking ng Cebu Pacific kung saan tuluy-tuloy ang pagbebenta ng tiket sa eroplano subalit walang katiyakan na may sapat na upuan ang mga pasahero.
“Lumalabas kasi ngayon na may bagong modus, kasi nakita na nila ang overbooking. Two days before or 4 days before, kakanselahin nila ang flight mo. Cancelation without explanation,” aniya.
“Tuluy-tuloy silang nagbebenta, tuluy-tuloy silang kumikita pero hindi pala nila kayang i-provide ang service,” dagdag pa ng senador.
Aniya pa, maraming pasahero ang nagrereklamo na nagiging biktima ng flight cancellations at delay ng Cebu Pacific na pinatunayan sa mga naglabasan sa social media kung saan nasa 3,000 umano ang natanggap na reklamo ng opisina nito.
“Our passengers face inconveniences on multiple fronts on account of flight delays, cancelations, offloading, overbooking. Hindi lang oras ang nasasayang, kundi pati perang ginastos sa pamasahe, sa accommodation, sa pagkain,” sabi nito.
Sinita naman ni Tulfo ang Civil Aeronautics Board (CAB) Executive Director Carmela Arcilla dahil sa pagiging inutil umano na hindi pinapatawan ng parusa ang Cebu Pacific at ang iba pang airline companies na nagpapahirap sa publiko.
Tugon naman ni Arcilla, sinabi nitong nagpapataw ito ng parusa sa mga airline company na inirereklamo ng mga pasahero tulad ng pagbabawas na biyahe ng mga ito.
Aniya, kung magpapatuloy ang problema sa airline company tulad ng cancellations, overbooking at delay ay maaaring maapektuhan ang nais ng Department of Tourism (DOT) na makaakit ng turismo.
“Our hopes of full recovery from the pandemic also rely on making tourism a major economic pillar once again. For the year 2023, the Department of Tourism is targeting 4.8 million international visitors. Sa domestic side, inaasam natin na bumalik sa pre-pandemic figures o higitan ito. Noong 2019, nasa 122.12 million domestic trips ang naitala sa ating bansa,” aniya pa.
Sinabi naman ni Senador Grace Poe, dapat na magpaliwanag ng CAB kung may parusang ipinapataw ito sa mga airline companies.
“Sa dami ng reklamo, mainam na tanungin ang CAB kung may breach na ba sa threshold na ito at kung ano ang penalty na pinapataw nila para dito. Dagdag pasakit din ang masalimuot na rebooking at refund process, at kawalan ng rightful compensation. ‘Di rin nakakatulong ang mahirap na pakikipag-usap sa chat bots sa halip na customer service representatives at help desks tuwing may aberya,” sabi nito.
Sa panig naman ni Cebu Pacific, humingi ng paumanhin si Alexander Lao, chief commercial officer, sa nangyayaring delay at kanselasyon kung saan sinabi nitong may mga dahilan kung bakit nangyayari ito.
“We express our sincerest apologies to our passengers for the disruptions and assure you that we are committed to resolving these challenges. We value the trust and confidence of our passengers and are committed to providing safe, affordable and reliable flights,” sabi ni Lao.
