
Ni NOEL ABUEL
Walang nakikitang panganib sa seguridad si Senador Francis Tolentino sa pansamantalang pagho-host sa mga Afghan refugee sa Pilipinas dahil nasuri na ito ng United States (US) at United Nations (UN) bago ipadala sa bansa.
“Sa pagkakaalam ko…naka-confine sila. Para mas maliwanag sa ating mga kababayan, ano po ang naka-confine? Naka-quarantine sila sa isang lugar, hindi sila makakalabas hangga’t hindi natatapos ang pagpoproseso ng kanilang visa, siguro po napakahaba na ng ninety days at saka pa lang sila aalis,” sabi nito.
Ayon pa Tolentino, vice-chairman ng Senate Committee on Foreign Relations na ang destinasyon ng mga Afghan refugees mula sa Pilipinas ay sa Germany, Canada, Australia, o United States.
Hindi aniya ito sang-ayon sa usapin ng soberanya sa pagho-host ng mga Afghan refugees, at binanggit na ang gobyerno ng Pilipinas ay hindi dinidiktahan ng ibang bansa, at ito ang nagtatakda kung ilan sa kanila ang tatanggapin at kung saan sila dadalhin.
Sinabi ni Tolentino na ang pansamantalang pagho-host ng mga Afghan refugee ay legal, na sinabi ang UN Declaration of Human Rights, International Humanitarian Law, at Article 17, Section 7 ng 1986 Constitution, bukod sa iba pang mga batas at kasunduan.
“I don’t see any reason to hype the hysteria all over again. Is it legal to help a fellow human being in need? Is it illegal to provide temporary shelter to someone in need?” giit nito.
Tiniyak naman ni Tolentino na hindi gagastos ang gobyerno ng Pilipinas para sa pagho-host ng mga Afghan refugees dahil sasagutin ng bansang nagpadala sa kanila at ng UN High Commission on Refugees ang lahat ng gastusin.
