
Ni NERIO AGUAS
Pinag-aaralan ng Bureau of Immigration (BI) ang paghahain ng reklamo laban sa isang airline na sangkot sa paglabag sa security breach kaugnay ng pagtakas ng isang dayuhan sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3.
Ayon sa BI, ang kaso ay matapos ang insidente kung saan ang isang Congolaise na pasahero, na naunang inilagay sa exclusion ay nakalabas ng NAIA subalit nadakip din.
Ang nasabing dayuhan na kinilalang si Tshapa Guimick Basaga, 31-anyos, ay hindi pinapasok sa bansa noong Hunyo 18 matapos dumating mula sa Ethiopia dahil sa posibilidad na maging isang public charge.
Kasunod ng immigration law, agad itong itinuro sa airline para sumakay sa susunod na available na flight pabalik sa kanyang pinanggalingang at pansamantalang inilagay sa day room ng airport bago ang kanyang return flight.
Gayunpaman, ipinaalam ng airline on-duty security guard sa mga opisyal ng BI Border Control Intelligence Unit (BCIU) Lunes ng gabi na nawawala si Basaga sa kostodiya ng airline.
Nakaalis si Basaga sa airport day room premises at nagawang tumuloy sa taxi bay sa labas.
Ito ay natagpuan muli sa loob ng terminal ng paliparan, matapos tangkaing pumunta sa immigration area upang kunin ang kanyang mga pasaporte.
“This is a major security breach as the subject has been denied entry, yet was able to exit Airport premises undetected. By law, it is the airline’s responsibility to secure him and ensure that he boards his flight back,” ayon sa BI.
Kinumpirma ng BI na kinagabihan ay nakasakay si Basaga sa kanyang flight pabalik sa Ethiopia.
