Bulkang Mayon aktibo pa rin – Phivolcs

Ni MJ SULLIVAN

Patuloy na binabantayan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang pag-aalboroto ng Mayon volcano na patuloy na nagpapakita ng abnormalidad.

Ayon sa Phivolcs, sa pinakahuling pagtatala, mabagal ang pagdaloy ng lava na may habang 2.5 km sa Mi-isi Gully at 1.8 km sa Bonga Gully at pagguho ng lava hanggang 3.3 km mula sa bunganga ng bulkan.

Wala namang naitalang volcanic earthquakes at nasa 339 ang naitalang rockfall events at  13 dome-collapse pyroclastic density current events habang ang inilalabas na sulfur dioxide ay nasa 706 tonelada  kada  araw.

Samantala, ang pagbuga ng usok ay naitala sa taas na 750 metro  at may katamtaman ang pagsingaw na napadpad sa timog-kanluran at kanluran-timog-kanlurang bahagi ng bulkan.

Nakikita pa rin ng Phivolcs na namamaga pa rin ang bunganga ng Mayon volcano na senyales na maaaring nag-iipon ito ng lakas bago sumabog o kung hindi naman ay nagpapakita lamang ito ng paggalaw at hindi tuluyang sumambulat.

Nananatiling pinagbabawal ang pagpasok sa 6 km radius Permanent Danger Zone gayundin ang paglipad ng anumang sasakyang panghimpapawid sa babaw ng bulkan.

Ayon sa Phivolcs, maaaring maganap ang pagguho ng bato at pagtalsik ng mga tipak ng lava.

Inaasahan din ang pagragasa ng lava dahil sa pag-ulan kung kaya’t pinag-iingat ang lahat.

Nananatiling nakataas ang alert level 3 sa paligid ng bulkan kung saan posibleng itaas ito sa alert level 4 kung magpapakita ng mataas na abnormalidad ng Bulkang Mayon.

Leave a comment