
Ni NOEL ABUEL
Pinaiimbestigahan ng isang kongresista sa mga ahensya ng pamahalaan ang nangyayaring pang-aabuso sa mga overseas Filipino workers (OFWs) sa bansang Namibia at pagpapanagot sa kanilang mga recruiters.
Ayon kay OFW party list Rep. Marissa “Del Mar” Magsino, kailangang tumulong ang Department of Foreign Affairs (DFA), Philippine Embassy in Pretoria, ang Department of Migrant Workers (DMW) at ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para mapanagot ang mga recruiters at manning agencies sa sinapit ng mga Pinoy seafarers.
Sinabi pa ni Magsino na ngayong may ipinatutupad na one-strike policy ang DMW laban sa mga recruitment agencies at manning agencies, dapat masampolan ang mga ito na nagpapadala ng mga OFWs subalit bumabagsak sa mga abusadong employers .
Nabatid na pinangunahan ng OFW party list ang pagsasaayos at repatriation ng 6 na OFWs na nagtatrabaho bilang mangingisda sa Namibia at dumating sa bansa noong Hunyo 22.
Humingi ng tulong ang 6 na mangingisdang Pinoy sa OFW party list sa pamamagitan ng isang palabas sa radyo upang maiuwi sa Pilipinas dahil sa mga paglabag sa paggawa laban sa kanila.
Ayon sa mga mangingisda, una silang pumirma ng 1-year contract sa isang manning agency sa Pilipinas, ngunit halos 1 taon at 6 na buwan na silang naninirahan sa Namibia.
Iginiit pa ng mga seafarers na pinipigilan ng ahensya ang kanilang sahod at dapat ay makatanggap ng USD 310 bawat buwan.
Mula umano sa kanilang suweldo, USD 150 ang ipinadala sa kanilang mga pamilya, ngunit may 2 buwang pagkaantala.
Hinggil naman sa balanse ng kanilang suweldo, ang lahat ng ito ay nasa pag-aari umano ng kanilang ahensya na nagsabi sa mga mangingisda na matatanggap lamang nila ang kanilang buong sahod kapag natapos na ang kontrata.
Gayunpaman, sa kabila ng pinirmahang kontrata na nagsasaad ng 1 taong kontrata, iginigiit ng ahensya ang 2 taong kontrata.
Ang mga na-repatriate na mangingisda ay nakadagdag sa dumaraming bilang ng mga distressed OFW na na-repatriate mula sa Namibia.
Nakatanggap ang OFW party list ng mga reklamo noong unang bahagi ng taon mula sa 35 mangingisda sa mga katulad na pang-aabuso tulad ng hindi pagbabayad o kulang sa pagbabayad ng sahod, contract-switching, at iba pang paglabag sa paggawa na katumbas ng human trafficking.
Ang mga ito ay pinauwi noong Marso 17 hanggang 19, 2023.
Sa kabila ng kinikilala ang matagumpay na pagpapauwi ng 6 na mangingisda, itinuro ng OFW party list ang pangangailangan ng imbestigasyon sa mga paulit-ulit na kaso ng pang-aabuso at paglabag sa kontrata laban sa mga mangingisdang Pinoy sa Namibia.
“In total, we have already repatriated 41 fisherfolks from Namibia who suffered similar abuses amounting to human trafficking violations. Why do we allow these manning agencies to continue sending Filipino fisherfolks to problematic employers in Namibia?” giit ni Magsino.
“Moreover, based on the accounts of our Filipino fisherfolks, the manning agencies are also violators on non-payment of wages. Ngayon na mayroong one-strike policy ang DMW laban sa recruitment agencies and manning agencies, dapat masampolan itong mga manning agencies na nagpapadala sa ating mga kababayan sa mga abusadong empleyado at hinahayaan lang sila kahit na nalalagay sa alanganin ang kaligtasan at kapakanan ng mga ni-recruit nila. Mahalaga ring tugunan ng DMW ang puno’t dulo ng problema sa sistema na nagpapahintulot sa ganitong pang-aabuso,” pahayag pa ng mambabatas.
