Pagsagip sa 3 convicted OFWs, pag-asa ng iba pang nasa death row — Rep. Magsino

Ni NOEL ABUEL

Nagpahayag ng pasasalamat ang OFW party list kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at sa lahat ng sektor na nagtrabaho para makaligtas sa tiyak na kamatayan ang tatlong nahatulang overseas Filipino workers sa United Arab Emirates, kung saan dalawa sa kanila ang naghihintay ng bitay.

“Higit sa lahat, aking ipinahahayag ang pasasalamat kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa kanyang apela para sa ating mga kababayang ito, na nagresulta sa kanilang pardon. Matagal nang nangangamba ang mga kapamilya ng ating mga OFWs na nasa bingit, at ang masigasig na pakikipag-ugnayan ng ating presidente sa pamahalaan ng UAE ang bumuhay sa pag-asa nila,” sabi ni OFW party list Rep. Marissa”Del Mar” Magsino.

Ayon sa kongresista, ang kaso ng nasabing mga OFWs ay pagpapakita ng pagpapahalaga at pag-asa sa buhay ng iba pang manggagawa sa ibang bansa na nasa “death row”.

“Habang may panahon pa, gugulin natin ang lahat ng posibleng aksyon upang maisalba ang buhay ng ating mga OFWs,” pahayag pa ni Magsino.

“Dati pa man, ating inihayag na ang kahalagahan ng pagsilip sa kalagayan ng mga OFWs na nahatulan ng capital offenses at ang mga nasa death row, kasama na ang patuloy na pagbigay ng legal assistance lalo na’t kung may pag-asang mabaliktad ang mga hatol sa kanila,” dagdag nito.

Ito aniya ang nilalaman ng inihain nitong House Resolution 684 noong Enero 9, 2023 kung saan nagkaroon ng mga pagdinig ang House Committee on Overseas Workers Affairs patungkol dito.

Aniya, bukas na katotohanan na banta sa buhay ang dapat harapin ng mga OFW habang nagtatrabaho sa ibang bansa at panganib na makasuhan ng kriminal, ito man ay may katotohanan o gawa-gawa lamang, at harapin ang posibilidad na makulong, o mapatawan ng parusang kamatayan kung mapapatunayang nagkasala.

At ang mga tulong na kasalukuyang ibinibigay ng gobyerno sa mga OFWs na lumaban sa legal na paraan at upang maibsan ang kanilang kondisyon habang nakakulong, ay dapat isagawa.

Sinabi pa ni Magsino na patuloy ang pakikipagtulungan nito sa Department of Migrant Workers (DMW) at Department of Foreign Affairs (DFA) para masagip ang iba pang OFWs na nakakulong sa ibang bansa.

“In line with the inquiry, we have been working with the Department of Migrant Workers and Department of Foreign Affairs regarding their actions on OFWs still on death row in Malaysia, China, Saudi Arabia, United Arab Emirates, Brunei Darussalam, Indonesia, at Japan,” sabi pa ng mambabatas.

Leave a comment