
Ni NOEL ABUEL
Sa gitna ng patuloy na pag-aalboroto ng bulkang Mayon sa Albay, personal na nagbigay ng tulong si Senador Christopher “Bong” Go sa mga apektadong komunidad.
Binisita rin ni Go ang Tabaco City para magbigay ng tulong sa mas maraming evacuees at indigents sa nasabing lungsod at nagsagawa ng inspeksyon sa Tabaco City Super Health Center na matatagpuan sa isang resettlement area para sa mga biktima ng bagyo na pinasimulan noong administrasyong Duterte.
Maliban sa tulong, tiniyak ng senador na patuloy nitong isusulong ang mas komprehensibong diskarte sa pagtugon at pamamahala sa kalamidad.
Binanggit nito ang Senate Bill No. 193, o ang mungkahing Mandatory Evacuation Center Act, na naglalayong tiyakin ang pagkakaroon ng permanenteng, ligtas at mahusay na kagamitan na mga evacuation centers sa bawat lungsod, munisipalidad, at lalawigan sa buong bansa.
“Mayroon po akong nai-file sa Senado, ito pong Senate Bill 193, nasa Committee Level na po ito. Ito pong paglalagay ng mandatory evacuation centers sa mga munisipyo, siyudad, at probinsya. Alam n’yo, napapanahon na po na magkaroon tayo ng maayos na evacuation center. Hindi lang po tuwing puputok ang bulkan, kundi bagyo, sunog, lindol o ano pa mang sakuna,” paliwanag ni Go.
“Alam n’yo, nagagamit ang eskwelahan, nagagamit ang gym, naantala ‘yung pag-aaral ng bata at napapanahon na mayro’ng maayos at malinis na evacuation center para hindi po magkasakit ang mga bata. Napakaimportante po n’yan. Sanitation, higaan, at maayos na pasilidad na dapat naman ay ibigay natin sa Pilipino lalung-lalo na po sa mahihirap. Kaya po ako nag-file nitong Senate Bill 193 at hindi po ako nawawalan ng pag-asa na dinggin po tayo ng mga kasamahan natin sa Kongreso na maisakatuparan itong mandatory evacuation center sa bawat probinsya, syudad, at munisipyo,” giit nito.
Sa kanyang patuloy na pagsisikap na patibayin ang mga kakayahan sa pagtugon sa kalamidad ng bansa, isinulong din ni Go ang pagtatatag ng Department of Disaster Resilience (DRD).
Ang iminungkahing departamento ay magsisilbing sentro na awtoridad na responsable para sa pagbabawas ng panganib sa kalamidad, paghahanda, pagtugon, at pagbawi na pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
“Sa patuloy na pag-aalboroto ng Mt. Mayon, alam n’yo ang Pilipinas po ay nasa Pacific Ring of Fire at apektado ng lumalalang climate change. Napapanahon na po na magkaroon tayo ng isang Department of Disaster Resilience. A Cabinet-level (department) po. Halimbawa, bago pumutok ang Mayon, mayro’ng Cabinet secretary na pupunta po dito, mayroon silang regional office, makikipag-coordinate sa LGUs, makikipag-coordinate kaagad sa DSWD, makikipag-coordinate agad sa AFP, sa Coast Guard para bago dumating ang bagyo, bago pumutok (ang bulkan), mailikas na agad ang apektado,” paliwanag pa nito.
“’Yung magpapagitna at titimon sa lahat ng government agency at pag-alis ng bagyo, o pagputok ng bulkan, restoration of normalcy kaagad, rehabilitation efforts agad. Hindi puro task force. Kapag task force, tapos bago ang administrasyon, bagong tao na naman po. Pero kung nandiyan ang departamento, tuluy-tuloy po ‘yan,” dagdag ni Go.
