
Ni NOEL ABUEL
Pinatitiyak ng isang kongresista sa Department of Foreign Affairs (DFA) at iba pang ahensya ng pamahalaan na nasa ligtas na kalagayan ang nasa 10,000 overseas Filipino workers (OFWs) dahil sa gulo sa bansang Russia.
Ayon kay OFWs party list Rep. Marissa “Del Mar” Magsino, nababahala ito sa kalagayan ng mga Filipino na nagtatrabaho sa nasabing bansa dulot ng napabalitang pag-aalsa na pinasimulan ng paramilitar na Wagner Group.
“Bagama’t humuhupa na ang tensyon sa Russia dulot ng napabalitang pag-aalsa na pinasimulan ng paramilitar na Wagner Group, tayo ay patuloy na nag-aalala para sa mahigit 10,000 na mga OFWs natin doon. Ang naudlot na pag-aalsa ay kailangan patuloy na bantayan sakaling ito’y magbunga ng iba pang kaguluhan,” ayon pa sa mambabatas
Payo naman nito sa mga OFWs na panatilihing bukas ang linya ng komunikasyon at sumunod sa patakaran at abiso ng Embahada ng Pilipinas sa nasabing bansa.
“Sa mga OFWs natin sa Russia, habang humuhupa pa lamang ang tensyon, panatilihing bukas ang inyong mga linya ng komunikasyon, laging mag-iingat sa mga kilos at pagpili ng mga lugar na pupuntahan, at sundin ang mga patakaran at mga gabay na ibinigay ng Embahada ng Pilipinas at mga lokal na awtoridad. Sa mga kailangan agarang makipag-ugnayan sa Embahada, maaaring tawagan ang kanilang hotlines: (+79067382538) (Whatsapp, Viber and Telegram),” pahayag pa ni Magsino.
Sinabi pa ng mambabatas na dapat na kumilos ang pamahalaan sakaling magkaroon ng kadugtong ang tensyong bumalot sa Russia.
“Batid natin na nakatutok ang ating Embahada at buong Department of Foreign Affairs sa sitwasyon sa Russia, subalit hinihikayat natin ang buong pwersa ng pamahalaan na maglapag na din ng mga precautionary at proactive measures, kasama ang mga plano sa emergency repatriation, sakaling magkaroon ng kadugtong ang tensyong bumalot sa Russia,” paliwanag ni Magsino.
“Sa ating mga OFWs sa Russia, asahan po ninyo na ang OFW Party List ay nakaantabay sa inyong sitwasyon at kasama sa pagdarasal sa inyong patuloy na kaligtasan,” pahayag pa nito.
