Pagpapalit sa liderato ng Senado pinabulaanan ng mga senador

Ni NOEL ABUEL

Nananatiling buo ang suporta ng mga senador kay Senate President Juan Miguel Zubiri bilang pinuno ng Senado.

Nagkakaisa sina Senador Nancy Binay, Senador Jinggoy Estrada at Senador Robinhood Padilla na walang katotohanan na may nagbabalak na palitan si Zubiri bilang pangulo ng Senado dahil sa sinasabing hindi magaling na lider ang huli.

“No, walang ganyan. Dapat di na natin ine-entertainment ang ganyang mga intriga since di naman ‘yan nakatutulong sa Senado. All I can say is that we are all happy and pleased with the current leadership, and we all attest that SP Migz has the trust and confidence of the members of the Senate,” giit ni Binay.

Sa panig naman ni Estrada, nananatiling suportado ng mayorya at super majority si Zubiri kung kaya’t walang katotohanan na magkakaroon ng rigodon sa liderato ng Senado.

Nabatid na kabilang si Estrada at sina Senate Pro-Tempore Loren Legarda at Majority Leader Joel Villanueva ang sinasabing nais ipapalit bilang Senate President kapalit ni Zubiri.

“There is no truth and I deny it. Walang kumakausap at wala akong kinakausap tungkol diyan. The Senate has high ratings with SP,” sabi ni Estrada.

Aniya, nagulat din ito sa mga nababasang balita na may rigodon na mangyayari sa Senado habang naka-recess ang Kongreso.

Giit pa ni Estrada, hindi aniya nito iniisip na maging Senate president at sapat na aniya na noon ay naging Senate Pro-Tempore sa loob ng anim na taon noong panahon ni dating Senate President Manny Villar.

“Wala akong nakikitang dapat baguhin ang leadership. Siguro ang mga beterano meron silang nakita pero ako kuntento sa kanila,” aniya pa.

Ilan sa sinasabing dahilan ng pag-alis kay Zubiri ay dahil sa umano’y pagrerenda nito sa mga kapwa nito senador.

“Masasabi ko, siguro diplomatic. Napaka-diplomatic niyang tao. Pero pag kami-kami lang andu’n talaga, lumalabas ang pagka-Maestro pagka-martial artist ni SP pag kami-kami sa lounge, pag ang order binibigay niya. Siyempre pagdating sa plenaryo, meron siyang gustong i-project na image na diplomatic siya sa lahat,” ayon pa kay Padilla.

Dinagdag pa nito na kung may maghain ng panukalang magpalit ng Senate leadership ay hindi ito boboto.

“Ako di ako boboto doon. Di ko alam ang iba. Pero ok ako kay SP MZ. Wala akong reklamo sa kanya. Noong binabalasa naman ako sa lounge patungkol sa economic reform ko binigyan niya ako ng chance. Ayaw ako pagsalitain ng ibang senador doon pero si Migz sinabi niya hayaan ninyo magsalita si SRP. Doon ano ako sa kanya,” paliwanag nito.

Leave a comment