PhilHealth pinuri ni Sen. Go sa pagpapalawig ng hemodialysis package

Ni NOEL ABUEL

Pinuri ni Senador Christopher “Bong” Go ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa pagpapahusay ng healthcare access at suporta sa mga pasyenteng may chronic kidney disease stage 5 sa pamamagitan ng pagpapalawig ng hemodialysis package.

Ayon kay Go, chairman ng Senate Committee on Health and Demography, malaking tulong sa mga mahihirap na pasyente ang dagdag na taunang hemodialysis sessions mula 90 ay magiging 156 session na.

Ang inisyatiba aniyang ito ng PhilHealth ay naglalayong pagaanin ang mabigat na pasanin ng mga pasyenteng dumaranas ng nasabing sakit at matiyak na makakatanggap ang mga ito ng kinakailangang mga gamot upang maisaayos ang pagpapagaling nito.

“Napakalaking tulong nito para sa ating mga kababayan lalung-lalo na sa mga mahihirap. Kaya naman maraming salamat sa PhilHealth sa pagsisigurado ng kapakanan ng bawat Pilipino,” sabi ni Go.

“Patuloy lang sana tayo magkaroon ng mga ganitong inisyatibo na mas lalong maraming Pilipino ang makikinabang. Hindi dapat natin sila pahirapan na kumuha ng serbisyong medikal,” dagdag pa ng senador.

Ang pinalawak na hemodialysis package ay magbibigay-daan sa mga pasyente na makatanggap ng kinakailangang dialysis sessions nang mas madalas at matiyak na mapapangalagaan ang kalusugan ng mga pasyente.

Higit pa aniya nito, ang nadagdag na coverage ay makatutulong para mabawasan ang gastos ng mga kaaanak ng pamilya na kadalasang nahihirapang bayaran ang mga gastos sa regular hemodialysis treatments.

Ayon sa PhilHealth Circular 2023-009, ang CKD stage 5 patients ay makakatanggap ng bayad na P2,600 kada session o kabuuang P405,600 kada taon.

Hinikayat ni Go ang publiko na samantalahin ang expanded coverage at iginiit ang bawat isa na alamin ang mga healthcare benefits na magagamit ng mga ito.

Binigyan-diin pa ng senador na ang kahalagahan ng maagang pagtuklas sa pangangalaga sa chronic kidney disease at ang regular check-ups at healthy lifestyle practices ang dapat na sundin.

Una nang inihain ni Go ang Senate Bill No. 190, na naglalayong amiyendahan ang mandato ng PhilHealth para bigyan ng libreng dialysis ang lahat ng miyembro nito.

“Ako naman po ay hindi ako mangangako sa inyo. Susubukan ko lang po kung anong pwede kong maitulong pa sa inyo para mabawasan po ang inyong paghihirap sa paghihingi ng serbisyo medikal lalung-lalo na po ‘yung mga dialysis patients,” sabi ni Go.

“Asahan n’yo po bilang chairman ng Committee on Health, gagawin ko po ang lahat ng aking makakaya at ang apela ko po sa PhilHealth na siguraduhin natin na up to the last centavo, nagagamit po ang pondo ng taumbayan at walang masayang dahil bawat piso, bawat sentimo ay napakahalaga po ‘yan,” dagdag pa nito.

Leave a comment