
Ni NOEL ABUEL
Ikinagalak ni Senador Cynthia Villar ang pagkilala ng World Bank sa Rice Tariffication Law (RTL) o Republic Act No. 11203 bilang mahusay na estratehiya ng pagbabago sa isang polisiya.
Nabatid na pinuri ng WB ang RTL na inakda ni Villar at naisabatas noong 2019 na isang patunay ng “true spirit” ng estratehiyang pagbabagong ito.
Itinampok ng World Bank ang RTL sa paglulunsad ng “Agriculture Public Expenditures Review” na espesyal na tinutukan ang implikasyon ng Mandanas Ruling sa agri-food system.
Ang mga kinatawan ng World Bank sa high-level forum ay ang operations manager nito na si Mr. Achim Fock at sa European Union (EU) naman ang Head Cooperation EU Delegation to the Philippines na si Mr. Christoph Wagner.
Dumalo rin mula sa World Bank sina Senior Agriculture Economist Anuja Kar at Practice Manager Dina Umali-Deininger na nagprisinta ng kanilang findings sa naturang pag-aaral,
Nagbigay rin sina Philippine Institute for Development Studies (PIDS) Senior Research Fellow Dr. Roehlano M. Briones at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Monetary Board Member Dr. V. Bruce J. Tolentino ng positive assessment sa RTL.
Ipinagmalaki ng mga ito ang P10 bilyon na taunang Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) mula sa taripa ng imported na bigas.
Ibinibigay na tulong ang RCEF sa mga magsasaka na nasa Registry System of Basic Sectors (RSBSA) sa pamamagitan makinarya, high quality inbred rice seeds, training at pautang.
Layunin ng Agriculture Public Expenditures Review ng World Bank na tulungan ang mga pamahalaan na kilatisin ang direksyon ng polisiya sa paggastos sa ilalim ng priority strategy at ikonsidera ang pinakamagandang paraan para malipat ang agricultural services sa mga local government units (LGUs).
Idinaos kamakailan ang event sa Bonifacio Global City na dinaluhan ng stakeholders mula sa pamahalaan, donor community, development partners at ang academe.
