DOF lumagda ng US$1.14 loan agreement sa WB

Ni NEIll ANTONIO

Lumagda sa isang kasunduan ang Department of Finance (DOF) sa World Bank (WB) para sa US$1.14 bilyong pagkakautang para umano magamit sa pagtulong sa mga magsasaka at mangingisda.

Ayon sa DOF, si Finance Secretary Benjamin E. Diokno at WB Country Director for the Philippines Ndiamé Diop, ay lumagda ng apat na loan agreements para tustusan ang iba’t ibang mga hakbangin ng pamahalaan na naglalayong mapabilis ang pagbangon ng ekonomiya, palakasin ang katatagan ng klima, pagpapabuti ng kalidad ng edukasyon, at pagpapaunlad ng sektor ng agrikultura at pangingisda.

Nabatid na ang US$276 milyon ay gagamitin sa pagsuporta sa proyekto ng Department of Agriculture-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (DA-BFAR), partikular ang Mindanao Inclusive Agriculture Development Project (MIADP) at ang Philippine Fisheries and Coastal Resiliency (FishCoRe) Project.

Ang MIADP ay naglalayong patuloy na itaas ang agricultural productivity, resiliency, at accessibility sa pamilihan, at serbisyo ng mga samahan ng mga magsasaka at mangingisda sa piling ancestral domains at sa iba pang value chains sa Mindanao.

Samantala, ang FishCoRe ay magpapahusay sa fisheries management, pagpapabuti ng fisheries production, at pataasin ang kita sa piling mga komunidad sa baybayin.

At upang mapabuti ang kalidad ng edukasyon sa bansa, ang US$110 million loan agreement para sa Department of Education (DepEd) Teacher Effectiveness and Competencies Enhancement Project (TEACEP).

Layunin ng TEACEP na mapabuti ang pantay na pag-access sa maayos na pagtuturo sa Kindergarten hanggang Grade 6 (K-6) sa mga lugar na sinusuportahan ng proyekto tulad ng Regions IX (Zamboanga Peninsula), XII (SOCCSKSARGEN) at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Habang ang budgetary support na nagkakahalaga ng US$750 milyon sa ilalim ng Philippines First Sustainable Recovery Development Policy Loan (DPL) ang susuporta sa policy reforms ng bansa na naglalayong mapahusay ang environmental protection at climate resilience.

Leave a comment