
Ni NERIO AGUAS
Muling nagbabala ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa publiko na mag-ingat sa nagkalat na pekeng National Certificates (NCs) na ibinebenta sa mga social media platforms.
Ang babala ay inilabas ng ahensya kasunod ng pagkakadakip sa isang lalaki na nagbebenta ng pekeng NCs at driver’s licence sa Cotabato City.
Ipinaliwanag ng bagong talagang TESDA Director General na si Secretary Suharto Mangudadatu, na ang mga NCs ay ibinibigay lamang ng mga tanggapan ng TESDA sa mga kuwalipikadong indibidwal na nakapasa sa assessment para sa kani-kanilang mga kuwalipikasyon at ang NC ay may bisa sa loob ng limang taon.
Matatandaang isa sa 10-point agenda ni Suharto ay ang compliance at enhanced monitoring.
Dito, regular na susuriin ng ahensya ang TESDA-accredited training and assessment centers para suriin ang kanilang pagsunod sa mga regulasyon sa pagpaparehistro ng programa gayundin ang pagsasagawa ng assessment at sertipikasyon.
Pinayuhan din ni Mangudadatu ang mga sertipikadong manggagawa at employer ay maaaring mag-verify ng authenticity ng mga NC online.
Hinikayat din nito ang publiko na i-report sa TESDA ang sinumang indibidwal na maaaring nagbebenta ng mga pekeng NCs sa pamamagitan ng hotline ng Agency, 8887-7777, o sa pamamagitan ng SMS, 0917-479-4370.
“TESDA’s Registry of Certified Workers can be accessed online through the agency’s website (https://www.tesda.gov.ph/Rwac). NCs are required by employers both locally and abroad as proof of workers’ skills and their ability to perform work,” ayon dito.
“TESDA prioritizes the integrity of its certification system in certifying middle-level workers to ensure their productivity, quality, and global competitiveness,” sabi pa ni Mangudadatu.
Ang mga mag-aaral, manggagawa, o sinumang indibidwal na gustong makakuha ng National Certificate para sa mga kasanayan na kanilang natutunan ay maaaring mag-apply para sa pagtatasa sa mga pribadong TESDA-accredited assessment centers, at sa TESDA regional at provincial offices sa buong bansa.
Ang kumpletong listahan ng assessment centers ay makikita sa online (https://www.tesda.gov.ph/AssessmentCenters/).
Kasama sa mga kinakailangan para sa assessment ang application form; 3 larawang kasing laki ng pasaporte na may nakasulat na pangalan ng aplikante sa likod ng bawat larawan; at isang ganap na nakamit na Self-Assessment Guide.
