
Ni NERIO AGUAS
Bumagsak sa kamay ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Chinese national na una na ring nadakip dahil sa pagiging undesirable alien matapos mahuling nagpapatakbo naman ng prostitution den.
Kinilala ang nadakip na dayuhan na si Hu Yulin, 32-anyos, na naharang ng mga tauhan ng Border Control and Intelligence Unit sa pamumuno ni Dennis Alcedo.
Nabatid na naharang ang nasabing dayuhan sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 nang tangkain nitong umalis ng bansa sa pamamagitan ng China Southern flight patungong Guangzhou, China.
“Derogatory check in our systems showed that Hu is blacklisted for undesirability. Hence he was arrested and will be held in our facility in Taguig,” ayon sa BI.
Sa rekord ng BI, si Hu ay nahaharap sa immigration deportation case na isinampa noong 2020.
Sinasabing ito ay kabilang sa inaresto ng mga awtoridad kasama ang 11 iba pang dayuhan sa Clark Pampanga dahil sa pagpapatakbo ng isang prostitution den.
Kinasuhan ang mga ito ng paglabag sa mga kondisyon ng kanilang pananatili, at kalaunan ay inutusang i-deport.
Kasalukuyang nakakulong sa BI warden’s facility sa Bicutan, Taguig habang inihahanda ang pagpapatapon dito pabalik ng bansa nito.
