Subsistense allowance ng AFP at PNP dagdagan–solon

Ni NOEL ABUEL

Naghain ng resolusyon si Senador Raffy Tulfo na nagtataas ng subsistence allowance ng lahat ng opisyal at enlisted personnel ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng lahat ng commissioned at non-commissioned personnel ng Philippine National Police (PNP).

Ayon sa senador, sa Senate Joint Resolution No. 2, mula P150 ay gagawing P250 kada araw na ang subsistence allowance ng mga AFP at PNP personnel.

Matatandaang sa pagdinig ng budget ng Senado para sa Department of National Defense (DND) noong Setyembre 2022, binatikos ni Tulfo ang kakarampot na subsistence allowance ng mga sundalo na P150 kada araw para sa almusal, tanghalian, at hapunan.

Aniya, hindi sapat ang ganoong halaga para makabili ng disenteng pagkain tulad ng hamburger.

Ayon kay Tulfo, ang P150 kada araw o katumbas ng P4,500 sa isang buwan ay halos hindi na makakasuporta sa ikabubuhay ng pamilya ng mga sundalo at tauhan ng pulisya.

Binanggit nito ang datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) na nagsasabing ang buwanang halaga ng pamumuhay ay dapat nasa P44,000 kada buwan para sa disenteng pamumuhay.

“It is high time that we recognize and honor the very vital roles played by our soldiers and policemen by looking after their welfare and providing them with decent and adequate compensation as well as reasonable and substantial benefits,” nakasaad sa joint resolution.

Sinabi ni Tulfo na ang DND, sa pakikipag-ugnayan sa AFP at Department of the Interior and Local Government (DILG), pati na rin sa PNP, ay dapat magpahayag at agad na maglalabas ng mga guidelines at regulasyon na kinakailangan upang maipatupad ang mga probisyon ng nasabing joint resolution.

Gayundin, ang gobyerno aniya ay dapat maglaan taun-taon at isama sa General Appropriate Act ang halaga na tumutugma sa kabuuang taunang halaga ng pagtaas sa subsistence allowance.

Leave a comment