

Ni NOEL ABUEL
Namahagi ng tulong pinansyal si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez at sina Tingog party list Reps. Yedda Marie K. Romualdez at Jude Acidre sa nasa 2,000 kabataan sa Tacloban City.
Aabot sa P10 milyon na financial assistance ang ipinagkaloob ng mga kongresista kung saan tumanggap ang bawat mga benepisyaryo ng P5,000.
Umaasa ang Office of the Speaker at Tingog party list na ang tulong pinansyal ay makatutulong sa mga mag-aaral sa pagbubukas ng bagong pasukan.
Sinabi ni Rep. Yedda Romualdez, chairperson ng House Committee on Accounts, na magpapatuloy ang Tingog party list sa paghahatid ng direkta, o hindi direkta sa pamamagitan ng mga ahensya ng gobyerno tulad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), para sa serbisyo sa mga mamamayan ng Eastern Visayas at Leyteños at Samareños sa ibang bahagi ng bansa.
“That is our commitment and we will remain true to it,” sabi nito.
Ang nasabing tulong ay mula sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng DSWD sa ilalim ni Sec. Rex Gatchalian.
Sinabi pa ni Romualdez na magagamit ng mga benepisyaryo ang tulong pinansyal para sa edukasyon ng kanilang mga anak.
Dagdag pa ng lady House leader, bilang magulang ay lagi nitong inuuna ang pag-aaral ng kanyang mga anak.
At bilang isang pampublikong lingkod, ito ay may parehong mataas na pagpapahalaga sa kahalagahan ng edukasyon.
Sinabi naman ni Speaker Romualdez na ang tulong ay sumisimbolo sa pangako ng pamahalaan na tulungan ang mga mahihinang sektor ng populasyon na mapabuti ang kanilang buhay.
“I hope the amount would help the beneficiaries in starting some livelihood activities for them and their families, or for their or their children’s education,” ayon pa sa lider ng Kamara.
Sa panig naman ni Acidre na ang Eastern Visayas at Leyteños at Samareños ang pangunahing sentro ng Tingog party list.
“Tingog appeals to the beneficiaries to properly use the financial aid they received,” apela ni Acidre.
