3 PATAY SA POGO RAID?

KUMALAT sa social media na umano’y tatlong foreign nationals na kabilang sa inaresto sa POGO raid na isinagawa sa Las Piñas City ang diumano’y namatay sa naturang police operations.
Gayunpaman, itinanggi ito ng Philippine National Police (PNP), kasabay ng pag-amin na walang foreign nationals ang nasaktan sa raid na isinagawa noong Martes ng hapon sa Xianchuang Network Technology Inc, 501 Alabang-Zapote, Almanza Uno, Las Piñas City.
Isinusulat ito pasado alas-2:00 ng hapon, Huwebes, ay hindi pa umano kumakain ang mga mahigit sa 2,000 katao na kinupkop ng mga awtoridad.
Putol din ang linya ng tubig at kuryente, bagay na lalong nagpahirap sa mga empleyado na sinasabing ni-rescue ng mga awtoridad.
“Iyan ba ang rescue, wala kaming makain dito. Kahit tubig, wala,” sabi ng isa sa mga biktima.
Ayon sa PNP-Anti-Cybercrime Group (ACG), maraming banyaga ang nagalit dahil ilan umano sa mga Filipino nilang kasamahan ay pinakawalan.
Dinala na umano sa pagamutan ang mga sugatan — walo sa mga ito ang nangailangan ng medikal na atensiyon, lima ang may minor injuries at 35 pa ang hindi naman nasugatan, sabi ng mga awtoridad.
Sa mga kumalat na video sa social media, dinig na dinig ang pagpapaputok ng baril ng mga awtoridad na lalong nagpatingkad sa nerbiyos ng mga empleyado.
Nauna nang sinabi ni Police Captain Michele Sabino, PNP Cyber Crime Group, spokesperson, na walang empleyado ang nagsabing sila’y ikinulong at minamaltrato.
“They are working 12 hours. Wala akong narinig na reklamo sa kanila. Iyong iba ay allowed to go out once a week, pero iyong hindi. Ibinibigay ang kanilang sweldo,” sabi ng opisyal, malayo sa naglabasan sa media na ‘rescue’ ang ginawa.
“Paanong rescue eh, hanggang ngayong hindi pinapakain iyong mga taong hinuli nila. Ang masama pa, binugbog sila kaya may patay nang tatlong tao,” sabi ng isa sa inaresto sa kanilang kamag-anak.
Nabatid na hindi rin pinayagan ang mga biktima na makakuha ng sarili nilang abogado at pinilit papimahin sa dokumento na hindi sila puwedeng magreklamo, kaharap ng PAO lawyer!
Nagtataka ang kamag-anak ng mga binitbit na empleyado kung bakit ‘rescue’ ang sinabi sa kanila, samantalang wala naman silang reklamo są kanilang mga employer.
“May rescue ba na binubugbog at pinaputukan ng baril,” sabi ng isang buntis na ginang na ang mister ay kasama sa dinakip ng pulisya.
May report na pilit din umanong pinapipirmahan ng PNP ang mga empleyado ng dokumentong ayaw nila pirmahan.
Ang raid ay isinagawa sa pangunguna ng PNP-Anti Cybercrime Group, Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) at PNP-Intelligence Group.

Bukas ang espasyong ito para magbigay linaw o itanggi ng PNP ang nasabing report.
***
Para sa anumang reaksyon, suhestiyon at sumbong, tumawag o mag-text sa cell phone no. 09157412674.
