Pagpasok ng US Air Force plane sa Pilipinas pinaiimbestigahan sa Senado

Senador Imee Marcos

Ni NOEL ABUEL

Pinaiimbestigahan ni Senador Imee Marcos ang sinasabing misteryosong aktibidad ng isang U.S. Air Force Boeing C-17 na pumasok sa teritoryo at airspace ng Pilipinas noong nakaraang Lunes.

Sa pamamagitan ng kanyang Senate Resolution 667, sinabi ni Marcos, na namumuno sa Senate Committee on Foreign Relations, na tatalakayin sa imbestigasyon ang posibleng paglabag ng U.S. military sa Visiting Forces Agreement (VFA).

“Walang paunang abisong nakarating sa Airport Integrated Command and Control Center sa NAIA,” ayon sa senador, banggit ang isang mapagkakatiwalaang impormante.

“Ito ay isang malaking kuwestiyon hindi lang sa ligtas na paglalakbay kundi maging sa soberanya ng bansa,” ani Marcos.

Aniya, batay sa probisyon ng Section 8 ng VFA, ang anumang sasakyang panghimpapawid ng U.S. armed forces ay kinakailangang sumunod sa air traffic control regulations ng Pilipinas.

Ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), naipaalam na ng U.S. Embassy sa Department of Foreign Affairs (DFA) at nakakuha ito ng diplomatic clearance number na DSN-0659-KB-JUN-US-2023 para sa isang U.S. military plane na sumusuporta sa mga aktibidad ng Pilipinas at Amerika sa ilalim ng Kapit Bisig.

Ngunit sinabi ni Marcos na marami pang tanong tungkol sa tunay na misyon ng military plane, at sinu-sino ang crew at kaisa-isang pasahero nito, ang uri ng kargamentong dala, pati na rin kung bakit 10 oras ang pag-istambay nito sa Maynila.

“Ang alam natin sa ngayon ay galing ang eroplano sa Guam, pumunta sa Puerto Princesa, at dumerecho ng Honolulu,” ani Marcos.

“Napakahalaga para sa bansa na maingat na suriin ang mga aktibidad ng mga dayuhang militar sa bansa, partikular ang mga mukhang kaduda-dudang o ‘yung mga sinisikreto,” diin ng senador.

Ang nalalapit na imbestigasyon ang pangalawang Senate inquiry na ipinatawag ni Marcos sa loob ng dalawang linggo para talakayin ang kawalan ng transparency o linaw sa mga aktibidad ng U.S. military sa Pilipinas.

Ang naunang pagdinig ay nagsapubliko ng plano ng U.S. government na ilipat muna ang nasa 50,000 Afghans sa Pilipinas habang ang kanilang mga espesyal na visa application ay naiipit pa sa proseso.

Leave a comment